PABLIK SERBIS TULOY  SA  PINOSPON NA B/SK POLLS  

PABLIK SERBIS TULOY  SA  PINOSPON NA B/SK POLLS  

September 30, 2022 @ 8:48 PM 2 months ago


MILYON-MILYON ang biktima ng super bagyong Karding kaya dapat ipagpatuloy ang serbisyong bayan.

Pinatutungkulan natin dito, mga Bro, ang mga kumikilos na gustong maging kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Kapag pinirmahan kasi ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang maipagpaliban ang halalan, makaaapekto tiyak ito sa serbisyong bayan na ipinamamalas ng mga gustong maging kapitan, kagawad, chairman ng SK at mga kagawad.

Nito kasing nakaraang mga buwan at araw, todo aktibo ang mga kandidato sa pagpamalas ng serbisyo publiko.

Eh, sa inapubrahang panukala ng Kamara at Senado, sa Oktubre 2023 na lamang isasagawa ang halalan.

At isasagawa ito kada tatlong taon makaraan ang nasabing halalan.

Tanong: Ipopospon din ba ng mga kandidato ang kanilang pagpapakitang gilas ng serbisyo publiko?

MILYONES ANG NANGANGAILANGAN

Makaraang makalabas si Karding, anak ng tokwa, napaulat na nasa 10 katao ang nasawi at higit na marami ang nasugatan.

Bilyon-bilyong piso ng halaga naman ang nasirang mga pananim, pinakakamalaki ito ang sa palay, habang maraming makinang pansaka ang nasiran rin sa pagkakalubog sa baha.

Gayundin na maraming hayop ang namatay, maraming bahay ang ganap na nawasak at ang iba’y nasira.

Maraming proyektong imprastraktura ang nasira, kasama na ang mga tapos at napakikinabangan na gaya ng mga tulay, kalsada, eskwela, barangay hall at clinic at maraming iba pa.

Ang ibang nasira, panghabambuhay gaya ng mga buhay na nawala at nakaapekto sa mga pamilyang biktima.

Meron namang mga sa loob lang ng ilang buwan at muling nakababangon ang mga biktima.

Ang iba, aabutin ng taon o ilang taon bago muling makabangon.

Dito nakikita ang pangangailangan ng mga mamamayan na kailangang tugunan ng mga nanunungkulan at gustong manungkulan sa gobyerno, kahit man lang sa antas ng barangay at mga kabataan.

Tanong: Nasaan ngayon ang mga nagsasabing mahal nila ang mga mamamayan at kahit kailan, madali lang silang malapitan at mahingan ng ayudang kaya nilang ibigay?

O pinopospon ang kanilang pagpapakita sa taumbayan at saka na lang sila ulit mangulit ng boto sa mga mamamayan ilang buwan o araw bago ang halalang Oktubre 2023.

HINDI NAKALILIMOT ANG MAMAMAYAN

Ang tatandaan siguro ng mga kandidato, hindi madaling makalimot ang mga mamamayan at kabataan.

Pagdating sa halalang Oktubre 2023, lilingunin ng mga botante ang nakaraan at tatanungin sa kanilang sarili kung sino-sino ang mga naghatid ng kahit kaunting ayuda na kanilang ikinaginhawa noong panahon ng disgrasya.

Hindi matutumbasan ‘yan ng salaping inaabot bago ang halalan bilang anyo ng pamimili ng boto.

Napakatalino at pinahahalagahan na ngayon ng taumbayan at kabataan ang kanilang mga boto na kanilang iniaalay sa mga totoong nagseserbisyo-publiko at hindi ang mga namimili ng boto.

Hindi na rin uubra ang paninira sa kalaban bilang sandata para manalo.

Nararanasan natin ito sa nagdaang mga eleksyong pampanguluhan na ang mga nanalo ay ang mga minamaliit at sinisiraan.

Kakambal nito ang paniniwalang magiging tapat sa bayan at serbisyo publiko ang kanilang iboboto.

O tatandaan natin ito, mga kandidato sa susunod na halalang Oktubre 2023.