Pabrika ng goma, tinupok ng apoy; mga residente, pinag-iingat

Pabrika ng goma, tinupok ng apoy; mga residente, pinag-iingat

December 17, 2022 @ 1:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Umabot ng dalawang araw bago tuluyan naapula ang sunog na sumiklab sa isang pabrika ng goma sa Valenzuela City, Huwebes ng gabi.

Ayon kay Valenzuela Fire Marshal Supt. Anamei Legaste, dakong alas-3 ng Miyerkules ng hapon nang sumiklab ang apoy sa rubber products factory sa kahabaan ng P. Santiago St., Brgy. Veinte Reales na inakyat sa ika-apat na alarma alas-3:48 ng hapon.

Idineklarang under control ang sunog alas-5:45 ng Huwebes ng umaga, December 15, ngunit nahihirapan ang mga bumbero na tuluyan maapula ang apoy dahil karamihan sa mga produktong goma sa loob ng nasusunog na pabrika ay tulad ng rubber mat at automotive rubber parts na pawang gawa sa mga materyales na nasusunog.

Kinailangang gumamit ng kemikal na hinaluan ng tubig ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagpigil ng apoy hanggang sa tuluyang naapula dakong alas-11:45 ng Huwebes ng gabi.

Ani ni Valenzuela BFP na kailangang manatili ang kanilang mga bumbero sa lugar hanggang Biyernes ng umaga upang matiyak na hindi na muling sumiklab ang apoy.

Base sa mga arson investigator, walang naiulat na nasawi dahil lahat ng empleyado ay ligtas na inilikas mula sa nasusunog na pabrika habang inaalam pa ang sanhi ng sunog at tinatayang nasa P45 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala.

Pinayuhan naman ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang mga residenteng naapektuhan ng sunog na ingatan ang kanilang kalusugan.

Ayon sa City Hall, kung narakaranas ng pangangati ng lalamunan, pag-ubo, hirap sa paghinga, at iba pang sintomas na maaaring dulot ng pagkalanghap ng usok, huwag mag-atubiling pumunta sa pinakamalapit na health station upang mabigyan ng karampatang lunas. R.A Marquez/Merly Iral