PACC chief Belgica binira ng Karapatan

PACC chief Belgica binira ng Karapatan

August 2, 2020 @ 3:34 PM 2 days ago

Share

Manila, Philippines – Mariing binatikos ng Karapatan Alliance Philippines, Inc. si Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Greco Belgica sa naging pahayag nito na kailangang patayin ang mga korap sa gobyerno dahil habang nariyan sila ay naghihirap ang libo-libong tao.

Sinabi ng grupong Karapatan na hindi bitay o death penalty ang kasagutan sa isang bulok na sistema ng pamamahala.

Kailangan umano ng isang ethical leadership at governance para mapanagot ang mga kurakot, kasama na ang pagbuwag ng political dynasties at oligarchs, para mapuksa ang korapsyon sa bansa.

Hindi umano nila nagustuhan ang talas ng matabil na dila ni Belgica na mistulang sumasalamin tuloy sa kanyang pagkatao nang sabihin nitong “dapat pinapatay ang mga tiwali sa pamahalaan na dahilan kung bakit naghihirap ang libo-libong tao.”

Sabi nga ng isang opisyal na ayaw pabanggit ng pangalan, maganda sana ang layunin ni Belgica na tukuyin kung sino ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at sibakin habang iniimbestigahan pero mukhang lumabis siya sa pananalita na patayin kaagad ang mga ito matapos ang imbestigasyon.

Sabi ng opisyal, kahit may bahid ng katotohanan na marami pa ring corrupt officials sa hanay ng pamahalaan, mayroon din namang matitino na hangad lang makapaglingkod sa mamamayan kaya paano kung sila ang mapagbintangang tiwali o na-set-up lang at pinatay kalaunan? Paano ang kanilang pamilya at ang pag-aaral ng kanilang mga anak?

May ilan namang nagtanong kung kaya raw bang pangatawanan ni Belgica ang kanyang kagustuhan kung siya ang aatasang pumatay sa tiwaling opisyal o baka hindi rin naman kaya ng kanyang konsensya na kumitil ng buhay?

Tila nasobrahan umano ang tapang ni Belgica sa kanyang naging pahayag gayung “baka nga daga lang takot siyang pumatay, tao pa kaya?”

Dugtong pa ng opisyal, sana ay pinag-iisipan muna ni Belgica ang mga bibitawang pangungusap bago siya mag-post sa social media dahil hindi lahat ng mga sinasabi ng mga opisyal ng pamahalaan ay nakatatanggap ng positibong katugunan sa mamamayan. RNT

Share

Comment (1)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Loading...