PACC sa DPWH engineers, huwag matakot magreklamo

PACC sa DPWH engineers, huwag matakot magreklamo

April 10, 2019 @ 2:34 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Nanawagan si Presidential Anti-Crime Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica sa mga inhenyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iwasan ang korupsyon sa ahensya.

Sa ginanap na briefing ng PACC, partikular na hinimok at nakiusap si Belgica sa mga District Engineers, Regional Directors, District Engineers ng Luzon, opisyal ng DPWH-NCR na huwag matakot na magsumbong sa kanilang tanggapan kapag may “pressure” na nagaganap sa kanilang trabaho.

Ayon kay Belgica, pangalawang beses na siyang nakipagpulong sa DPWH  at sinabing huwag matakot na magreklamo dahil sa huli aniya ay ang mga engineers na ito rin ang malalagay sa alanganin.

Nabanggit din ni Belgica na ang kanyang pakikipag-ugnayan sa DPWH ay kasunod na rin ng pagkakahuli sa dalawa nitong kawani kamakailan na na-videohan pang tumatanggap ng pera.

Sa ngayon ay umabot na sa 82 kawani ng gobyerno na ang nakasuhan habang nasa 44 naman ang kasalukuyang pinoproseso pa ang kanilang pagkakasibak.

Nilinaw din ni Belgica na hindi nangpa-fund raising ang gobyerno partikular si Pangulong Rodrigo Duterte at dating SAP Bong Go para sa kampanya gaya nang idinahilan aniya ng 18 BI officers  na sinuspinde matapos magreklamo ang mga Korean national na kanilang kinikilan sa Clark, Pampanga.

Tiniyak naman ni Belgica sa mga engineers na kasama ang PACC sa kanilang laban sa sandaling sila ay may reklamo na may kaugnayan sa korupsyon sa kanilang ahensya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)