Pacman, hahabulin ng gobyerno sa P2.2B ‘di binayarang buwis

Pacman, hahabulin ng gobyerno sa P2.2B ‘di binayarang buwis

July 7, 2021 @ 5:50 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hahabulin ng pamahalaan ang P2 bilyon pa ring utang sa buwis ng boxing icon at Senador Manny Pacquiao.

Sa PDP-Laban meeting ay nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na aalamin niya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kung ano na ang estado ng utang sa buwis ni Pacquiao.

“Mayroon akong… he has a tax evasion case… P2.2 billion na hindi niya binayaran ang gobyerno lahat ng kanyang laban… maraming away niya, sa isang fight P2.2 billion, kunin ng BIR yan.. so dito, I remember that.. I try to find out.. may utang siya ng P2.2 billion,” ayon kay Pangulong Duterte.

Sinabi pa ng Pangulo na kung malala ang korapsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon gaya ng pinalutang ng senadro ay biglang sinabi nito na “kung corrupt kami… eh ikaw nag-cheat ka sa government. Isa kang corrupt officials lalo na.”

Muli inulit ni Pangulong Duterte na ipapa-check niya ang bagay na ito.

Matatandaang taong 2014 nang mariing pinanindigan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na halos P2 bilyon pa rin ang utang sa buwis ng boxing icon at noon ay Sarangani Rep. Manny Pacquiao.

Ito ay sa kabila nang pagbayad ni Pacquiao ng P32 milyon sa BIR kamakailan.

Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, pinal na ang kanilang computation na P2.2 bilyon ang tax deficiency ng dating kampyon.

Binigyang diin ni Henares na ang ibinayad ni Pacman ay kabayaran lamang sa value added tax (VAT) surcharges na bahagi ng utang sa buwis ng kongresista para sa taong 2008 at 2009.

Napag-alaman na una nang nagpalabas ang BIR ng “warrant of distraint and levy” laban sa mga bank account ni Pacman dahil sa hindi pagbayad ng tamang buwis.

Dahil sa nasabing kautusan ay hindi maaaring magamit ni Pacquiao ang kanyang pera sa mga bangko na sakop ng nasabing direktiba.

Iginiit naman ni Pacman na nagbayad siya ng tamang buwis mula sa kaniyang mga laban kay Ricky Hatton, Oscar de la Hoya, David Diaz at Miguel Cotto sa Estados Unidos, na may inisyu pa aniyang dokumento ang kanyang promoter na Top Rank na isinumite sa BIR para patunayan na naibawas ng US Internal Revenue Service ang buwis mula sa kanyang kinita. Kris Jose