Pacman muling sumampa sa ‘Pound for Pound List’

Pacman muling sumampa sa ‘Pound for Pound List’

July 16, 2018 @ 9:37 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Biglang sumampa muli si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa Pound for Pound Top 10 list matapos ang kahanga-hanga niyang pagpapataob kay Argentine slugger Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Linggo.
Si Pacman ay nakalista ngayon bilang No. 5 pound for pound sa hanay ng mga super-elite boxer sa buong mundo.
Huli siyang nalagay sa listahan noong pagwagian ang WBO welterweight strap kay Jessie Vargas noong November 2016.
At sa kabila ng kontrobersiyal o kuwestyonableng pagkatalo niya kay Jeff Horn sa Brisbane, Australia, naalis sa P4P list si Pacquiao.
Maraming nagsabi na iyon na ang katapusan ng kanyang career dahil laos na umano siya.
Ngunit sa ipinakitang “vintage performance” laban kay Matthysse na tatlong beses niyang pinaluhod sa lona, agad umigaw ang pangalan ni Pacman sa hanay ng pinakamahuhusay at bigating mga boksingero.
Nakapuwesto ngayon ang fighting-senator sa likuran nina Vasyl Lomachenko, Gennady Golovkin, Terence Crawford at Mikey Garcia.
Nalaglag sa ikaanim si Naoya Inoue dahil sa pag-akyat muli ni Pacman, sumunod sina Anthony Joshua, Srisaket Sor Rungvisai, Leo Santa Cruz at Wanheng Menayothin.
Sa edad na 39, sinasabing tila mas bumata ng 10 taon si Pacman sa ipinamalas na dominasyon kay Matthysse. NATS TABOY