Pacquiao iniwan sa ere ni Singson

Pacquiao iniwan sa ere ni Singson

October 15, 2021 @ 6:29 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Sinabi ni Senador Manny Pacquiao nitong Biyernes na iniwan siya sa ere ng dating kaanib na si Chavit Singson kasunod ng hindi pagkakaunawaan ukol sa pagtaas ng buwis sa alak at tabako.

“Tapos na po ‘yang issue na ‘yan. Iniwanan na nga po ako sa ere, iniwanan na ako ngayon dahil nanindigan po tayo sa tama,” pahayag ni Pacquiao sa isang panayam sa ANC nang tanungin kung ano ang posibleng papel ni Chavit Singson kung sakaling manalo siya sa pagka-presidente sa halalan 2022.

Sa kabila nito, hindi naman nagtanim ng sama ng loob si Pacquiao sa kasalukuyang alkalde ng Narvacan, Ilocos Sur dahil sa ninong ito ng isa sa kanyang mga anak.

“Nagsimula ang issue nung kinausap niya ako about sa tobacco tax increase. Hindi ko siya pinagbigyan,” ani Pacquiao.

“Sabi ko hindi na kakayanin ng puso ko na mag-increase ng taxes sa basic commodities, ‘yung mga  pagkain, yung ginagamit ng mga tao araw-araw. Ang gusto ko doon na lang mag-increase ng taxes, doon na lang sa tobacco tax at alcohol tax,” dagdag pa niya.

Dalawang beses nakipag-usap si Singson kay Pacquiao tungkol sa bagay na ito ngunit nanatili ang desisyon ng senador na isulong ang batas na itaas ang tinatawag na “sin taxes”.

Taong 2019 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na dagdagan ang buwis sa mga produktong tabako.

Isa si Pacquiao sa mga pangunahing umakda ng Republic Act 11346 na nagpapataw karagdagang presyo mula P45 hanggang P60 kada isang kaha ng sigarilyo simula 2020 hanggang 2023, at karagdagang limang porsyentong pagtaas simula Enero 1, 2024.

Samantala, nananatiling tahimik si Singson ukol sa bagay na ito. RNT