Pacquiao, kulang sa research – DOE official

Pacquiao, kulang sa research – DOE official

July 7, 2021 @ 7:34 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Binanatan ng Department of Energy (DOE) ang mga akusasyon ng korapsyon ni Senador Manny Pacquiao laban sa ahensya, kung saan sinabi nitong tila hindi napayuhan at kulang sa pananaliksik ang mambabatas ukol sa usapin.

Matatandaang sinabi ni Pacquiao na binigyan ng DOE ang private company na Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP)— na mayroon lamang P7,000 paid-up capital, ng kapangyarihan na maging independent electricity stock market operator.

Sinabi niya na ang kontratang iginawad sa spot market operator, na lumimas ng bilyun-bilyong piso sa loob lamang ng isang taon, ay hindi dumaan sa bidding process.

Itinanggi naman ni DOE Asec. Gerardo Erguiza Jr. na nagkaroon ng ganoong transaksyon.

Habang nilinaw din niya na ang paggagawad ng kontrata para maging independent market operator ay hindi naman talaga nangangailangang dumaan sa bidding process.

“Wala pong transaksyon na ganyan. Gusto ko pang sabihin na medyo ill-advised yata si Senator Pacquiao, at nagkulang ang research dahil walang ganyang pangyayari dito,” ani Erguiza.

“Ang independent market operator ay hindi pwedeng i-bid ‘yan dahil hindi talaga dadaan sa bidding ito. Walang requirement, hindi ito kailangan sundin ang Government Procurement Act,” dagdag niya.

Hindi rin aniya kailangan na magkaroon ng malaking paid-up capital para makapagtayo ng isang independet market operator dahil sasaluhin lamang nito ang functions, assets at liabilities ng temporary market operator.

Ang pangunahing trabaho ng isang indepedent market opedator ay pangasiwaan ang operasyon at aspetong administratibo ng pag-uugali ng mga market operator.

Hindi rin aniya nauugnay sa operasyon ng IEMOP ang DOE.

“Handa kami na humarap kung ano man ang hanapin nilang dokumento, hanapin nila ilalabas namin para patunayan kung ano ang katotohanan,” dagdag pa niya. RNT