Pacquiao, mamadaliin ang pagpasa ng death penalty sa Senado

Pacquiao, mamadaliin ang pagpasa ng death penalty sa Senado

August 5, 2018 @ 8:55 AM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Inihayag ni Senator Manny Pacquiao ang kaniyang kagustuhang mapadali ang pag-apruba ng Senado sa muling pagbuhay sa death penalty bago matapos ang taon, kahapon (August 4).

“Mamadaliin natin na ma-approve sa Senado sa taong ito,” ayon sa Senador.

Kasunod ito ng update na ginawa ng Catholic Church sa catechism kung saan idineklara ang death penalty bilang “inadmissible because it is an attack on the inviolability and dignity of the person.”

Read: Death penalty, hindi tama, dapat itigil sa buong mundo – Pope Francis

Binigyang diin ni Pacquiao, nangunguna sa pagtalakay ng death penalty sa Senate justice committee, na ang capital punishment ay katanggap-tanggap pa rin dahil ito ay nakasaad sa Bibliya.

“Kung Bible ang pag-uusapan, andiyan naman, binibigyan ng karapatan, ng authority ang government to enforce death penalty to those who commit heinous crimes,” paliwang ni Pacquiao.

Sinisiguro rin ng Senador na patuloy siyang magsasagawa ng hearing upang tuluyang maibalik ang death penalty upang magkaroon ng mas malalim na kaalaman ang publiko tungkol dito.

Kabilang sa mga krimen na papatawan ng death penalty ay ang drug trafficking, rape with murder, kidnap-for-ransom, at robbery with murder, ani Pacquiao.

Gayunpaman, paglilinaw naman ni Pacquiao, bukas siya sa paglilimita ng capital punishment sa mga drug-related offenses upang makuha ang suporta ng iba pang senador.

Matatandaan na inaprubahan ng Kamara noong nakaraang taon ang bill na nagbabalik sa implementasyon ng death penalty ngunit para lamang sa mga drug-related offenses.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque kamakailan na, “the Palace will try gentle persuasion” sa mga senador upang tuluyan nang maipasa ang bill. Remate News Team