Pacquiao may nilulutong malaking laban; DY Yoo, binugbog

Pacquiao may nilulutong malaking laban; DY Yoo, binugbog

December 12, 2022 @ 10:41 AM 2 months ago


MANILA, Philippines –  Isiniwalat ng Pambansang Kamao na si Manny Pacman Pacquiao na may inihahanda siyang malaking laban matapos tanungin ng fans kung nais ba niyang bumalik sa seryosong boksing.

Sa sagot ni Pacquiao, sinabi nitong “ Makikita mo, makikita mo.”

Nitong Linggo, dinurog ni Pacquiao si Korean YouTuber DK Yoo sa kanilang 6 rounder exhibition match na ginanap sa Korea International Exhibition Center sa Goyang, South Korea kahapon.

Ipinakita ni Pacquiao sa mundo na may ibubuga pa ito at kaya niyang lumaban ng sabayan kahit malaki sa kanyang kasagupa.

Sa laban, agad na ipinaramdam ni Pacquiao ang kanyang lakas at binugbog ng husto si Yoo na halatang nais nang bumitaw sa laban.

Nagawa pang pabagsakin ni Pacquiao ng dalawang beses si Yoo subalit lagi itong nakalulusot sa bilang ng referee.

Nanalo si Pacquiao sa una nitong exhibition match kontra kay Yoo sa pamamagitan ng unanimous decision.

Ayon kay Pacquiao, karamihan sa kikitain sa laban ay mapupunta sa charity – para sa biktima ng digmaan sa Ukraine pati na rin sa proyektong pabahay ni Pacquiao para sa mga walang tirahan.

Huling sumampa sa ring si Pacquiao noong Agosto 2019 atnagretiro matapos matalo kay Yordenis Ugas  dalawang taon na ang nakararaan.JC