Pacquiao rumesbak sa WBA

Pacquiao rumesbak sa WBA

July 13, 2021 @ 12:40 PM 1 year ago


LOS ANGELES – Hindi nakataya ang WBA “super” welterweight title kapag nagharap sina Manny Pacquiao at unbeaten American Errol Spence Jr. sa Las Vegas sa August 21.

Ito’y matapos italaga si Pacquiao bilang “champion in recess” ng World Boxing Association (WBA) sa simula ng taon, nang mabigo itong idepensa ang hawak na titulo dahil sa COVID-19 pandemic.

Matapos tumanggi ang WBA na ibalik si “Pacman” bilang full champion, rumesbak ang kampo ni Pacquiao sa sanctioning body at sinabing hindi nabigyan ng tamang proseso at respeto ang Pambansang Kamao.

Dala pa rin ni Pacquiao ang WBA title sa huling press conference kasama si Spence, at planong ibandera ito sa ring sa August 21 pay-per-view.

“Belt’s on the line, baby,” ayon kay MP Promotions president Sean Gibbons.

Habang pinag-uusupan ang WBA super title, inanunsiyo naman ng RING Magazine na ang mananalo ay makukuha ang  welterweight belt na huling hinawakan ni Floyd Maywather Jr. noong 2015.

Hinawakan ni Pacquiao ang RING Magazine belts sa tatlong weight classes sa kanyang career.

“Pangarap ko siyempre, at this age, pangarap ko kumuha ng mga ilang belt katulad nito,” ani Pacquiao. “Ilang belt ang paglalabanan natin, magandang karangalan para sa ating bansa.”

Inamin ng 42-year-old na si Pacquiao na hindi pa siya tapos sa pagkolekta ng championship belts.

Tuloy-tuloy umano ang kanyang pagsagupa sa ring at sunod na target umano niya ay si Terrence Crawford na may hawak ng WBO welterweight title.

“Possible din ‘yan. Undefeated din si Crawford, so possible din ‘yan,” wika nito.

Isa pang posibilidad ay maaaring iatas ng WBA ang match sa pagitan nina Pacquiao at Spence at ang mananalo ay sasagupa kontra sa hinirang na bagong welterweight champion na si Yordenis Ugas. Rico Navarro