Pacquiao sa binulgar ni Padilla: Hindi ako nandaya

Pacquiao sa binulgar ni Padilla: Hindi ako nandaya

December 1, 2022 @ 11:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi ako nandaya.

Ito ang naging tugon ni Manny Pacquiao ukol sa resulta ng kanyang dating laban kay Australian fighter Nedal Hussein noong taong 2000.

Reaksyon ito ng Pambansang Kamao ukol sa sinabi ng retiradong referee na si Carlos Padilla na nangasiwa sa kanilang laban, na di umano ay tinulungan niya ang kanyang kababayan na manalo sa pamamagitan ng “pagpapatagal” ng standard 10-count nang matumba si Pacquiao at natulala sa ikaapat na round.

“Ako ay isang Pilipino at lahat ay Pilipino na nanonood ng laban, kaya pinahaba ko ang bilang. Alam ko kung paano gawin ito,” kwento ni Padilla, na kamakailan ay nakapasok sa Nevada Boxing Hall of Fame.

“Pagtayo niya sabi ko sa kanya ‘hey are you okay?’ — and that’s prolonging the fight,” nakangiting sabi ni Padilla.

Giit naman ni Pacquiao na ginawa niya ang kanyang trabaho bilang boksingero kaya hindi niya na problema ang tawag ni Padilla.

“Hindi man daya. Pinaburan lang tayo, pabor lang siguro syempre home court. As a boxer ginawa ko lang yung tama,” ani Pacquiao sa kasagsagan ng kanyang training sa General Santos City.

“Ako naman boxer lang ako. Ginagawa ko lang yung trabaho ko sa taas ng ring. That’s his problem, not mine,” dagdag pa ni Pacquiao na patungkol kay Padilla.

Matatandaang 21 anyos pa lang si Pacquiao noon at natamasa ang pagsikat matapos ang 10 rounds laban kay Hussein para sa WBC International super-bantamweight title sa Ynares Sports Center noong Oktubre 14, 2000.

Si Padilla naman ay sumikat na referee matapos niyang pangasiwaan ang “Thrilla in Manila” sa pagitan nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong 1975. RNT