PACQUIAO TIYAK BAGSAK SA PDP-LABAN

PACQUIAO TIYAK BAGSAK SA PDP-LABAN

July 9, 2021 @ 6:31 PM 1 year ago


NAPAKABIGAT ang kinakaharap na laban ni Sen. Manny Pacquiao sa Agosto dahil sa mapapasabak siya sa laban Las Vegas kay WBC at IBF Welterweight champion Errol Spence Jr.. Kung ako ang tatanungin, tila manganganib ang pambansang Kamao .

Bakit kanyo? Unang-una, halos dalawang taon nang nahinto sa boksing si Pacquiao. Ikalawa, 42-anyos na siya kung ikukumpara sa edad ni Spence na 31-anyos lang. Ikatlo, mas matangkad ng 4 pulgada si Spence.

Ang sampantaha nga ng boxing analysts, mahihirapan si Pacquiao kay Spence hindi lang sa edad nito kundi dahil matagal itong nagpahinga at hindi po basta-basta maibabalik ang lakas at kondisyon naming mga boksingero (joke lang) sa ilang panahon lang na training.

Puwedeng sabihin natin na totoo ito pero alam naman nating lahat kung saan at ano ang pinagmulan ni Pacquiao. Lumaki siyang mahirap at nagsumikap para marating ang kanyang kinalalagyan niya ngayon.

Pero kung ating titingnan si Pacquiao, matigas ang katawan nito dahil sanay magutom, sanay sa hirap at matatag din ang determinasyon niya kaya lahat ay sinuong niya para makamit ang kanyang mga pangarap.

Sa laban niya sa boxing arena, maraming kakampi si Pacquiao dahil marami ang nagmamahal sa mga underdog at naniniwalang kaya pa nitong muling maging kampeon.

Isa pang matinding laban nito, bukod kay Spence, ang sa Senado kung saan inumpisahan nito ang pagkalkal sa korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno.

Bagama’t may mga mga grupong gustong tulungan si Pacquiao para mailabas ang korapsyon at maparusahan ang mga sangkot dito, mas marami naman ang kumakalaban sa kanya.

Sa labang ito, sinasabi ni Pacquiao na ang mga korap sa ahensya ay nananalangin na mabigo siya. Ngayon nga lang ay may mga nangangantiyaw at sinasabing maliit na singaw lang ang magagawa o ginagawa ni Pacquiao at hindi naman pala malaking pagsabog.

May mga nag-akusa ring kinakalaban ni Pacquiao si Pang. Rodrigo Duterte bagama’t sinabi niya na isang pagtulong lamang daw ang kanyang inumpisahang imbestigasyon at maaksyunan ng Pangulo.

Ayon naman sa ibang mga taga-PDP-Laban, namumulitika lang si Pacquiao dahil sa ambisyon nitong maging Pangulo. Hayun naman pala e. He..he..he…

Ang pagkakakilala ng lahat kay Pacquiao ay hindi ito umaatras sa anomang laban. Binubugbog na siya ng mga basher ngunit ‘di niya iniinda dahil desidido siyang bulatlatin ang korapsyon na naaamoy niya.

“Ang mahalaga, alam nating mga Filipino kung ano ang tunay na nangyayari sa ating mahal na bayan,” ani Pacquiao.

Sa totoo lang, tsong, mabigat ang kinakana na laban ni Pacquiao sa kanyang partidong kinabibilangan dahil may paksyon ngayon sa PDP-Laban na nag-uumpisa nang gumawa ng ingay.

Ang balita ko, ang grupong ito ang magpapatanggal sa partido kay Pacquiao dahil sa paniniwalang target ng pambansang kamao ang pinakamataas na posisyon. Hindi pabor ang paksyong ito na si Pacquiao ang kanilang maging pambato sa eleksyon at sa halip isang “outsider” ang bet nilang gawing standard bearer sa 2022.

Kung sino siya, maghintay na lang kayo kung sino ang itataas ng kamay ni Digong!