Pacquiao vs Hussein exhibition fight, ikinakasa

Pacquiao vs Hussein exhibition fight, ikinakasa

December 5, 2022 @ 10:06 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng kontrobersiya na isiniwalat ni referee Carlos Padilla kaugnay sa kanilang laban noong taong 2000, napag-usapan nina Manny Pacquiao at Nedal Hussein ang tungkol sa pagdaraos ng exhibition match.

Nag-usap ang dalawang retiradong boksingero  sa pamamagitan ng zoom call at ibinahagi ang kanilang mga saloobin sa pahayag ng referee na tinulungan niya si Pacquiao na manalo sa kanilang laban 22 taon na ang nakalilipas.

Sinabi ni Padilla na pinahaba niya ang pagbibilang nang matumba si Pacquiao at nag-headbutt bilang suntok.

“Kasalanan ito ni Carlos Padilla. Siya ang may kasalanan at ang kanyang malaking bibig,” sabi ni Hussein.

“If he did something wrong on his part during that fight, he should quiet and shut up. But now, he’s revealed it to the people. Iyon na ang responsibilidad niya, hindi sa amin,” sang-ayon ni Pacquiao.

Sa kabila ng isyu, sinabi ni Hussein na wala siyang hard feelings kay Pacquiao.

“I’m a big fan of Manny. Lahat ng boxers may respeto sa ibang boxer,” wika nito. “Balang araw, gagawa tayo ng exhibition.”

Si Hussein ay wala na sa ring mula noong 2007, ngunit ang pagbalita tungkol kay Pacquiao na gumagawa ng isang exhibition match ay nagbigay sa kanya ng ideya.

“Kung may hamon, gusto kong gawin ito laban kay Manny,” sabi niya.

Si Pacquiao, sa kanyang bahagi, ay nagsabing bukas siya na gawin ito sa Sydney, Australia kung saan nakatira si Hussein.

Samantala, bumuo ng special panel ang WBC para tingnan ang mga pahayag ni Padilla tungkol sa laban ni Pacquiao-Hussein.

Sinabi ni Pacquiao na siya mismo ang nagrepaso sa laban matapos marinig ang isyu at wala siyang nakitang mali sa nangyari.

Gayunpaman, sinabi ni Hussein na nadismaya siya kay Padilla sa laban dahil sa kanyang bias na officiating.

Ang anak ni Padilla na si Suzy Tuano, ay umapela para sa pagsasaalang-alang sa isang liham sa WBC, na sinabi na ang pahayag ng 88-taong-gulang na Hall of Famer ay maaaring na-misinterpret.JC