Pacquiao vs Mayweather 2, may pag-asa

Pacquiao vs Mayweather 2, may pag-asa

September 26, 2022 @ 4:22 PM 2 months ago


MANILA,  Philippines – Umusok ang mga espekulasyon kaugnay sa pangalawang laban sa pagitan ng dating five-division champion na si Floyd Mayweather Jr. at ng nag-iisang eight-division champion na si Manny Pacquiao matapos pigilan ng Kano si Mikuru Asakura noong Linggo sa Saitama Super Arena sa Japan.

Nahalata ang edad ni Mayweather, 45,  nang tamaan siya ng Japanese mixed martial arts fighter sa unang bahagi ng laban.

Gayunpaman, ang maangas na Amerikano ay kinailangan lamang kumana ng isang malinis na kanang suntok sa ikalawang round upang tapusin ang eksibisyon sa pamamagitan ng knockout.

“I’m just happy to be here. I’m happy that we were able to give the fans excitement tonight. Thanks for having me. I’ll be back,” ani Mayweather pagtapos ng laban.

Si Pacquiao at ang kanyang asawang si Jinkee ay nanood ng laban. Nag-post din ang People’s Champ ng larawan nila ni Mayweather sa Japan.

Naglaban sina Mayweather at Pacquiao noong 2015 kung saan nanalo ang una sa pamamagitan ng unanimous decision sa naging pinaka lukratibong laban sa kasaysayan ng boksing.

Nagretiro si Mayweather mula sa pro boxing matapos niyang talunin si Conor McGregor noong 2017 ngunit mula noon ay nakipagkumpitensya na siya sa mga eksibisyon.

Samantala, nagretiro si Pacquiao noong nakaraang taon kasunod ng pagkatalo kay Yordenis Ugas.

Nakatakda rin siyang sumabak sa isang eksibisyon fight kontra kay South Korean martial artist DK Yoo sa Disyembre at dating sparring partner na si Jaber Zayani noong Pebrero.JC