Padaskol-daskol na holdaper nadakma ng mga nagpapatrulyang parak

Padaskol-daskol na holdaper nadakma ng mga nagpapatrulyang parak

December 12, 2022 @ 8:34 AM 2 months ago


Bulacan – Arestado ng mga nagpapatrulyang pulis ang 31-anyos na lalaking padaskol-daskol na nangholdap ng isang 22-anyos na binatang estudyante sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Zoren Ocasla, jobless, tubong Samar, residente ng Brgy. Sto. Cristo habang ang biktima ay itago sa pangalang “RZ”, ng Brgy. Kaypian.

Sa report ni SJDM Acting chief of police PLt. Col. Ronaldo Lumactod Jr, nangyari ang insidente bandang alas -6 ng gabi nitong Disyembre 10, sa kahabaan ng BSU road, Brgy. Kaypian.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad pauwi ang biktima nang harangin, tutukan ng balisong at sabay deklara ng holdap ng suspek.

Pilit na kinuha ng suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng Realme C21Y cellphone na nagkakahalaga ng P9,000 at P100 cash na agad tumakbo palayo sa lugar.

Sa kabutihang-palad nakita ng biktima ang nagpapatrulyang mga pulis ng PCP 5 sa lugar na agad niyang isinumbong ang nangyari kaya agad nilang tinugis hanggang sa nahuli ito kalaunan at nabawi ang kinulimbat.

Sinasabing ang naarestong suspek ay sangkot sa serye ng mga holdapan sa naturang barangay at kalapit lugar ng naturang lungsod.

Nahaharap sa kasong Robbery (Hold Up) ang suspek habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III