PADEBATE NG COMELEC, MALAKIHANG RALLY WAEPEK

PADEBATE NG COMELEC, MALAKIHANG RALLY WAEPEK

May 12, 2022 @ 1:19 PM 2 weeks ago


SABI ng ng ating Uzi, may natutunan siyang mahaha­lagang leksyon kaugnay ng lumipas na halalang Mayo 9, 2022.

Kabilang dito ang halaga o kawalan ng halaga ng debate, kahit pa ang mga inilulunsad ng Commission on Elections, kasama na ang ang palakihan ng bilang ng mga dumadalo sa mga rally.

ang debate

Iniluwa ng halalan ang masasabing kawalan ng silbi ng debate sa pagitan ng mga kandidato sa halalan.

Ito’y makaraang manalo nang landslide na boto sina ex-Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa Presidente at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para sa Bise Presidente na hindi dumalo kahit kailan sa padebate mismo ng Commission on Elections.

Lumalabas na kahit pagsama-samahin pa ang boto nina Vice President Leni Robredo at iba pang kandidato gaya nina Manila Mayor Isko Moreno, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Ping Lacson at iba pa, hindi nakayanan ng mga ito ang boto na nakamit ni Marcos.

Sa botong mahigit 31 milyon, nakakuha lang si Robredo ng mahigit 14.7M at ilang milyon na lang ang pinaghahatian nina Pacquaio at Isko na naglalaban sa pangalawang pwesto.

Lalong matindi ang agwat sa pagitan nina Duterte-Carpio sa kanyang mga katunggali na sina Sen. Pangilinan, Sen. Tito Sotto na naglalaban sa ikalawang pwesto dahil habang naka-31.5 milyon na si Duterte-Carpio, hanggang tig-8-9M lang sina Pangilinan at Sotto.

PALAKIHAN NG BILANG SA RALLY

Hindi rin umubra ang palakihan ng bilang ng mga dumadalo sa mga rally. Ilang beses na nagsabi ang grupo nina Robredo na nakapagpadalo sila ng daan-daang libong katao sa kanilang ga rally at mas maliliit ang mga dumalo sa mga rally nina Marcos.

Ang masaklap sa mga rally na ito, habang maaaring may katotohanan sa mga bilang ng mga dumalo sa ilang pagkakataon, may mga kumokontra naman gaya  ng mga pulis, mamamayan at media nakasasaksi mismo sa mga okasyong ito.

May sukat kasi ang mga lugar na kayang kumarga ng bilang ng mga tao, siksikan man o may social distancing.

Isa pa, hindi lahat na dumadalo sa mga rally ay gustong makita nang personal ang mga politiko at mapakinggan ang kanilang mga plataporma de gobyerno kundi makita ang mga paborito nilang mga artista o baka may magpamigay ng kung ano-ano.

Marami ring dumadalo na hindi botante at napilitan lang sila na dumalo dahil utos iyon ng kanilang mga boss, titser at iba pa dapat nilang pakisamahan kundi, eh, may parusa habang ang iba ay hindi pa talaga pupwedeng bumoto dahil sa kuland sa edad.

DEBATE AT RALLY SA KASAYSAYAN

Malalim ang mga isyu sa debate at rally sa hanay ng mga mamamayan nang maghain ng kandidatura sina Bongbong Marcos at Inday Sara at sina Leni Robredo at Francis Pangilinan.

Nagdedebate at nagra-rally ang mga mamamayan kaugnay ng kasaysayan mula sa panunungkulan ni dating Manong Ferdie Marcos, 30 taong panunungkulan ng mga kontra-Marcos, kabilang na si Robredo, at anim na taon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ama ni Inday Sara.

Dito lumitaw ang mga pagkakaiba ng mga gobyernong umiral sa tatlong yugto ng kasaysayan at nagdesisyon ang higit ng nakararaming botante upang pabalikin sa pwesto ang isang Marcos, si Bongbong, at tanggapin si Inday Sara at hindi sina Robredo at Pangilinan at iba pang mga kandidatobilang mga bagog pinuno ng mahal kong Pinas.