Pader na itinayo ni Bantag sa kalsada sa NBP, ipagigiba ni Catapang

Pader na itinayo ni Bantag sa kalsada sa NBP, ipagigiba ni Catapang

November 18, 2022 @ 8:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang na ipagigiba na niya ang pader na itinayo ni suspended BuCor chief Gerald Bantag sa kalsada sa loob ng New Bilibid Prison.

Matatandaang naapektuhan ang mga residente sa naturang lugar sa Muntinlupa City dahil sa ipinayong pader.

Ani Catapang, bibinigyan niya ng pagkakataon ang mga tao sa naturang kalsada na makadaan at titiyakin na hindi naman nito masasakripisyo ang seguridad sa NBP.

Matatandaan na inirason ni Bantag noon na ginagamit umano ang kalsada sa mga illegal na aktibidad sa loob ng Bilibid kaya niya ito pinalagyan ng harang na pader sa kalsada ng NBP Reservation at nakaapekto sa mga residente ng Katarungan Village.

Sisiguruhin naman ni Catapang na magpapatupad sila ng maayos na sistema upang magamit ang kalsada ng mga residente kabilang na ang mga guro at estudyante.

Isa sa naiisip nilang posibleng sistema ay tukuyin ang mga taong maaari lamang dumaan sa lugar.

Ipinagpasalamat naman ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang hakbang na ito ni Catapang.

“Natuwa ako nang marinig ko siya [Catapang] sa isang interview kanina na bubuksan daw niya ang mga kalsada para sa tao,” tugon ni Biazon.

“Nitong nakaraang Monday, inimbita niya ako sa anniversary celebration ng BUCOR. Ginamit ko na din ang pagkakataon na magbigay ng formal letter para hilingin ang access para sa mga estudyante at residente,” dagdag pa niya.

“Alam kong mabuting tao siya. Kaya din naging AFP Chief of Staff siya. Warrior with a heart.”

Matatandaan na noong Nobyembre 2021 ay nagkaroon ng tensiyon sa lugar nang gibain ng mga residente ang pader na itinayo ni Bantag dahil hindi umano ito dumaan sa konsultasyon sa mga tao maliban sa wala pa itong permit. RNT/JGC