Padilla bukas sa pag-amyenda sa political provision ng 1987 Constitution

Padilla bukas sa pag-amyenda sa political provision ng 1987 Constitution

February 28, 2023 @ 6:52 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Ibinukas na ni Senador Robin Padilla ang kanyang pananaw na amendhan ang political provision sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng constitutional convention (con-con) kung gugustuhin ng publiko.

“Opo. Katulad ng sinabi ko, kung ngayon kasi, ang number one concern ng taumbayan ay ekonomiya. Lahat ‘yan, lahat ng tao tanungin n’yo gusto nila trabaho, magandang sweldo,” ayon kay Padilla.

“Pero siyempre ‘pag nag-public hearing, maririnig mo na rin ang nasa malayong lugar. Tingnan natin kung totoo talaga,” dagdag niya.

Aniya, nagdesisyon ang Kamara na ituloy ang charter change sa pamamagitan ng constitutional convention na kung saan, ihahalal ang delegado na magrerebisa sa Saligang Batas.

“Kasi ang sabi ng Kongreso kaya nila isinusulong ang con-con dahil nagsagawa sila ng public hearing at hinihingi ng tao ang con-con, hinihingi ng taumbayan na magkaroon ng pagbabago sa porma ng gobyerno, sa term extension,” aniya.

“‘Yan din po siyempre ang gusto nating gawin. ‘Di naman po pwedeng tayo sa Senado (umasa) lang sa public hearing ng Mababang Kapulungan. Kaya po tayo gagawa din ng sarili nating public hearing. Pag sinabi halimbawa pag nakumbinsi ako ng taumbayan handa ang tao sa con-con, e di ia-adopt ko anong sinabi ng Kongreso,” dagdag ng senador.

Naunang inihain ni Padilla ang Resolution of Both Houses No. 3 na naglalagyong amendahan ang economic provisions ng 1987 Constitutions sa pamamagitan ng constituent assembly (con-ass).

Nilinaw din ni Padilla na kahit bukas siya na amendahan ang political provision sa pamamagitan ng con-con, bibigyang prayoridad dito ang economic provision ng Saligang Batas dahil mahabang proseso ang naunang isyu.

“Ang hiling ko, unahin natin ang economic provision ng Saligang Batas. Pagkatapos noon maramdaman ng tao na inaasikaso natin—kasi ito sandali lang ito eh, economic provision wala itong anim na buwan kung gusto nating tapusin… ‘Pag pinag-usapan natin ang political structure ng bansa mga mahal kong kababayan, litawan na diyan ang kanya-kanyang interest sa pulitika. Ang haba po niyan,” aniya.

Sinabi ni Padilla na mas malaki ang tiyansang makalusot sa Senado ang charter change kung lilimitahan sa economic provision.

“‘Yan ang compromise. Economic provision lang tayo talaga muna. Sa akin, doon muna tayo sa pinakamatipid. Di natin masyadong isa-shock ang taumbayan, eleksyon na naman? May election na ang barangay, may election na naman sa con-con, para tayong laging nag-e-election,” aniya.

Samantaa, inihayag naman ni Senador Sonny Angara na bukas siya sa charter change pero may reserbasyon kung sa pamamagitan ng con-con ang pag-aamyenda.

“Yung con-con ang pinakamagastos at matrabahong paraan ng pagrebisa sa Konstitusyon,” ayon kay Angara, miyembro ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes.

Aniya, masyadong malaki ang P10,000 kada araw na sahod ng delegado sa con-con na inaprubahan ng lupon sa Mababang Kapulungan.

Kaugnay nito, inihayag naman ni Senador Nancy Binay na matutugun an naman ng sinasabing pagbabago sa economic provision ng ilang naipasang batas tulad ng Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act, at Foreign Investments Act.

“Mas magandang i-prioritize na ang [implementing rules and regulations] ng mga ito kaysa itulak pa nating nang itulak ang Cha-cha sa kabila ng mga krisis na kinahaharap natin,” ayon kay Binay.

“Ang dapat nating pag-usapan sana at i-prioritize eh ‘yung mga sagot at solusyon sa ating problem. Sana unahin natin ang kumakalam na sikmura, di con-con o Cha-cha,” diin ng senador.

Para sa kanya, sinabi naman ni Senador Risa Hontiveros na mas dapat pagtuunan ng Kongreso ang isyu sa inflation, kahirapan at korapsiyon na may agresibong political will at focus.

“Bakit may sense of urgency sa Charter change, pero wala sa mga isyung ito na ramdam na ramdam ng mga Pilipino? Nahihirapan ang mga Pilipino, pero inuuna ang Cha-cha na hindi rin naman nakakain,” giit niya sa pahayag.

Aniya, masyadong napakalaking distraction ang charter change na nagsasantabi sa mga mahahalagang isyu habang lumalala ang ekonomiya at sektor ng agrikultura na nababahiran ng eskandalo.

“Redirecting large amounts of our limited resources to Charter change at this time will just do more damage. I am glad the President has explicitly articulated that this is not a priority; I hope his allies in Congress act accordingly,” giit niya. Ernie Reyes