Padilla, Dela Rosa: LWUA admin italaga na!

Padilla, Dela Rosa: LWUA admin italaga na!

October 20, 2022 @ 7:12 AM 1 month ago


Manila, Philippines — Mismong sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Robin Padilla na ang magtutungo, anila, sa Malacañang para hilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga na ng administrator sa Local Water Utilities Administration (LWUA).

Sa 2023 budget deliberation ng Senado para sa LWUA nitong Miyerkules, sinabi ni LWUA officer-in-charge Eileen dela Vega na hindi nila maipatupad ang ilang programa lalo na para sa Marawi dahil sa limitasyon ng kanyang kapangyarihan, kabilang ang sa pagpapalabas ng pondo.

“Siguro magpunta na tayong dalawa sa Malacañang. Kausapin na natin si Pangulong Marcos para mag-appoint na ng permanent administrator para wala nang excuse ang LWUA. Ang hirap talaga nito. We cannot afford to have another Marawi siege part 2,” ani Dela Rosa.

Nauna kasing tinanong ni Padilla at Dela Rosa ang LWUA hinggil sa estado ng bulk water system sa Marawi City na matagal nang natengga.

Sa ngayon, puro rekomendasyon lang ang kanilang ginagawa na nangangailangan ng approval ng administrator o ng board of trustees. Ang isa pang problema, kulang pa ng dalawang miyembro ang board ng LWUA, dagdag pa ni de Vega.

“Talagang napakalaking sorry sa mahabang paghihintay ng ating kababayan sa Marawi sa patubig na proyekto namin. Meron na pong nangyaring konting development… As OIC po, I have limited authority,” ani Dela Vega.

Inaprubahan ang panukalang budget ng LWUA sa committee level. RNT