Padilla dismayado sa ‘di pagdalo ng ilang Cabinet officials sa Cha-Cha hearing

Padilla dismayado sa ‘di pagdalo ng ilang Cabinet officials sa Cha-Cha hearing

September 2, 2022 @ 2:52 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nadismaya si Sen. Robin C. Padilla sa hindi pagdalo ng ilang opisyal mula sa Ehekutibo sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa posibleng pagbabago sa Saligang Batas.

Bagama’t nanawagan muli si Padilla para dumalo ang mga opisyal sa pagdinig, iginiit niya na hindi mangyayari ang ganitong kakulangan ng koordinasyon ng Ehekutibo at Lehislatura kung lilipat sa Parliamentary system ang Pilipinas.

“Hindi ko maintindihan kung bakit hirap na hirap ang Senado na magimbita ng ibang secretary… Hindi ko po alam sapagka’t itong Constitution natin ngayon sa 1987, ang sinasabi nito, merong balanseng kapangyarihan ang legislative at ang executive. Ibig sabihin pantay tayo ng kapangyarihan. Kapag inimbita sana ang taga-executive sana po ay mapagbibigyan nyo kami sapagka’t dito di kami mga marites o parites… Itong bagay na ito ay hindi isang bagay na isinasantabi sapagka’t Saligang Batas po ito,” ani Padilla sa pagsimula ng ikatlong pagdinig ng kanyang komite nitong Biyernes.

“Sana mag-Parliamentary na lang tayo dahil sa Parliamentary, obligado silang humarap, isa na ang executive at legislative. Bawat linggo doon sila sa harap natin pwede natin sila kwestyunin. Pwede sila natin makapanayam ng magandang usapan,” dagdag niya.

Binasa ni Padilla ang laman ng sulat ng Department of Energy na hindi makadalo ang kinatawan nito sa pagdinig. Hiniling ng DOE na payagan itong magbigay ng “written comments at a later date after due internal study.”

Ayon sa mambabatas, napakasensitibo ng usapan sa pagbabago sa Saligang Batas at dapat lahat na inimbita ay “magbigay ng interest” dito.

“Gusto natin bumalanse pero kung ganyan ang maabutan natin dito mag-Parliamentary na lang tayo, wala na pong paguusapan dito kundi mag-parliamentary na tayo para harap-harapan tayo. Ang hirap nito sa ‘taguan,’ hindi ako sanay sa ‘taguan,'” aniya.

Sinuportahan siya ni minority leader Aquilino “Koko” Pimentel III, na dumalo sa pagdinig. “Hindi ko sinasabing panacea but improved by the parliamentary system. Kasi ang head of agency, head of the department implementing the laws passed by the Parliament or legislation belongs to the Parliament in a parliamentary system,” aniya.

Dagdag ni Pimentel, sa isang parliamentary system, “walang takas.”

Ayon naman kay Senators Ronald dela Rosa, “kung coequal branch of government we should respect each other.”

Sang-ayon din si Sen. Francis Tolentino sa obserbasyon ni Padilla. Ernie Reyes