Padilla dismayado sa ‘diskriminasyon’ sa mga Muslim sa hostage-taking incident

Padilla dismayado sa ‘diskriminasyon’ sa mga Muslim sa hostage-taking incident

October 9, 2022 @ 4:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bagama’t nagpapasalamat siya na ligtas si dating Senador Leila de Lima sa tangkang pangho-hostage sa kanya sa Philippine National Police Custodial Center Linggo ng umaga, Oktubre 9, dismayado naman si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa diskriminasyon na ipinakita ng ilang pulis na rumesponde sa sitwasyon.

Iginiit ni Padilla na hindi tama ang paggamit ng salitang “Muslim” na pantukoy sa mga nagtangkang mag-hostage at dahil dito, nanawagan siya sa PNP leadership na magkaroon ng edukasyon sa paggamit ng salitang Muslim.

“Ako ay nananawagan sa Philippine National Police na magkaroon ng edukasyon sa paggamit ng salitang Muslim. Discrimination po ito kapag binibigkas ng pulis na ito ang salitang Muslim. Maging parehas po tayo ng trato sa bawat Pilipino,” aniya sa kanyang Facebook account.

“Kapag may kidnapper o holdaper o pumatay ng tao hindi man niyo sinasabi na Kristiyano ito,” dagdag ng mambabatas.

Pinunto ni Padilla ang kumalat na video sa social media kung saan inilarawan ng mga pulis na rumeresponde na “Muslim” ang mga hostage-taker.

Iginiit niya na hindi ginagamit ang salitang Muslim sa pagtukoy ng isang tao lalo’t may kinalaman sa krimen o terorismo.

“Mainam po na identify niyo po sila hindi sa kanyang religion dahil walang kinalaman ang religion po dito. Ang batas ay hinubog sa anyo ng hustisya at pinapatupad ito ng alagad ng batas. Kung ang alagad ng batas ay humusga ng bansag sa isang religion para saan pa po ang babaeng nakapiring ang mga mata at may hawak na timbangan?” aniya.

Nanawagan si Padilla kay PNP Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr. na pangaralan ang kanyang tauhan.

Samantala, diin ni Padilla na ipinagpapanalangin ng mga Muslim ang pagbuti ng kalagayan ng nasugatan na pulis at ang patuloy na kaligtasan ni de Lima.

“Ipinagpapanalangin po ng mga Muslim ang kagyat na pagbuti ng kalagayan ng nasugatan na bayaning pulis at ganon din po ang katahimikan ng loob at ang patuloy na kaligtasan ng dating senador na Leila de Lima,” aniya. Ernie Reyes