Padilla nag-throwback ng sitwasyon sa Bilibid

Padilla nag-throwback ng sitwasyon sa Bilibid

November 11, 2022 @ 8:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Robin Padilla nitong Huwebes, Nobyembre 10 na agaran nang paluwagin at isagawa ang regionalization para sa New Bilibid Prison (NBP).

Kasabay nito ay ang pagbibigay ng konkretong solusyon laban sa mga sindikato ng droga na naghahari-harian sa loob nito.

Kasabay ng plenary deliberation para sa proposed 2023 budget ng Department of Justice, naghimutok si Padilla na ang NBP ay nananatili pa ring pugad ng mga masasamang taon.

“Isa po itong kongkretong solusyon sa problema unang-una, ng sobrang population ng bilanggo sa NBP. Dapat diyan ay nasa 5,000 lang yata o 4,000. Noong panahon namin, nasa 12,000 kami diyan,” ani Padilla na dati ring naging inmate ng Bilibid.

Matatandaan na na-convict ang Senador noong 1994 dahil sa illegal possession of firearms at napalaya sa ilalim ng conditional pardon ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Nitong 2016 naman ay binigyan si Padilla ng absolute pardon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag dito, inalala niya ang panahon na nasa Bilibid at sinabing may prinsipyo at disiplinado ang mga gang doon ngunit nagbago nang magpasukan ang mga drug lord.

“Pero nang nagdatingan diyan ang mga drug lords, doon na po nagkagulo-gulo. Nawala na po ang tinatawag naming batas sa loob ng kulungan,” aniya.

Dahil dito ay talagang napakahalaga umano ng regionalization ng NBP upang mapabuti ang rehabilitation ng mga inmates at mas mapalapit pa sa mga pamilya nito. RNT/JGC