Padilla napikon sa DFA exec

Padilla napikon sa DFA exec

September 30, 2022 @ 5:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Napikon si Senador Robinhood Padilla sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs kasabay ng pagdinig ng Senate finance subcommittee para sa 2023 proposed budget ng ahensya.

Ito ay dahil umano sa bastos o pabalang na sagot ng opisyal sa kanyang mga katanungan.

Kasabay ng pagdinig, idiniin ng senador ang pangangailangan na ipaalam sa publiko ang tungkol sa Philippine-US Mutual Defense Treaty (MDT) at Visiting Forces Agreement kabilang na ang 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea.

Dagdag pa rito, ipinarating din ni Padilla ang sama ng loob nito sa kakulangan ng suporta ng Estados Unidos sa Marawi siege noong 2017.

Sinagot naman ito ni DFA Secretary Enrique Manalo na idiniin na nakatutok rin ang US sa pagtatanggol sa bansa basta’t ito’y nasa ilalim ng MDT.

Dagdag pa niya ay mayroon rin nagpapatulyo na ‘clarificatory talks’ kung paano ito ipatutupad.

Kalaunan, sinegundahan ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega ang pahayag ni Manalo na nagsimula na mainitan diskusyon sa dalawa.

“Don’t be worried Sen. Robin Padilla. ‘Yung DFA at saka ‘yung gobyerno handang ipagtanggol ang bansa kung sino man ang lulusob sa atin, maging sino man sila,” ani De Vega.

“The DFA will fight diplomatically always. We will always use diplomatic means to defend our country,” dagdag pa niya.

Hindi naman ito nagustuhan ni Padilla at ipinilit na dapat ay linawin sa publiko ang MDT at VFA maging ang 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea.

“Ang sinasabi ko dapat kapag gumawa po sila ng publisidad patungkol dyan, dapat ay kasama po ‘yung patungkol sa VFA at an MDT sapagkat ‘yan po ay magkakapatid. Hindi po tayo pwedeng lumabas dyan nang hindi natin pinaguusapan ang tatlong ‘yan. Sapagkat ang arbitral ruling po ay 2016 pa at po ay papel lang, hindi naman po ‘yan mai-implement,” pahayag naman ng senador.

“Kaya ang itatanong ko po sana dun kanina sa barumbadong sumagot na undersecretary, siya po sana ang sumagot, papano niya i-implement sa gitna ng West Philippine Sea ‘yung arbitral ruling,” dagdag pa niya.

“At kung sasagot po siya, ako po ay senador ng Pilipinas eh galangin po niya ako. Kayo po ‘yun, Undersecretary De Vega.”

Namagitan naman si Senador Alan Peter Cayetano at nilinaw ang tila hindi pagkakaunawaan sa dalawa.

“Mannerism niya lang talaga ang mag-smile. Ed, tama ba, you meant no offense?,” tugon ni Cayetano.

‘Kasi I’m also looking at the video, parang ang dating you were smirking at us, at Senator Padilla?,” dagdag pa ng senador.

“Ah paumanhin po. Hindi po ako nag-smirk. Paumanhin, Senator Padilla,” paumanhin ni De Vega. RNT/JGC