Padilla pinuna ni Pimentel, ex-pres Duterte tinawag na PDP-Laban chair

Padilla pinuna ni Pimentel, ex-pres Duterte tinawag na PDP-Laban chair

September 19, 2022 @ 4:21 PM 6 days ago


MANILA, Philippines – Kaagad pinuna ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Senador Robinhood Padilla sa pagtawag kay dating Pangulong Duterte bilang chairman ng PDP-Laban sa ginanap na pagdinig ng badyet ng Hudikatura.

Sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng Judiciary, hiningan ng opinion ni Padilla ang hudikatura hinggil sa suhestiyon niAtty. Estelito Mendoza na buwagin ang Judicial and Bar Council (JBC) bilang nagtatalaga ng miyembro ng korte na nakasentro lamang sa Pangulo at walang partisipastyon ang miyembro ng Kongreso.

Binanggit ni Padilla na pagtutukoy ni Mendoza sa kasi sa panahon ng administrasyon ni Duterte na binanggit ng mambabatas na PDP-Laban chairman,na kung saan nagagawa ang appointment sa utos nito.

Sinundan din ni Supreme Court Associate Justice Midas Marquez ang pahayag ni Padilla na si Duterte ang PDP-Laban chairman.

Dahil dito, kaagad pinuna ni Pimentel si Padilla sa pagtawag kay Duterte bilang chairman ng partido dahil may sigalot sa liderato nito na nakabinbin at maaaring matalo sa kaso na maaaring idulog sa Supreme Court kundi kaagad maitatama kaagad.

“Sorry to be raising this pero baka kasi ma-rules of court kami sa future e,” ayon kay Pimentel.

Aniya, hindi tamang banggitin ni Padilla ang pangalan bilang chairman ng PDP-Laban dahil siya mismo ang chairman ng original na PDP-Laban Party.

“Because we are talking to the Supreme Court justices, baka umabot itong issue na to sa Supreme Court para lang po alam nila na ang chairman po ng PDP-laban is this representation as far as my original party is concerned,” aniya.

“Just for the information kasi ‘di ba merong provision sa Rules of Court that if something is stated in your presence and you don’t react to it, it might be taken against you,” giit pa niya.

Kasabay nito, humingi naman ng paumanhin si Padilla sa kanyang nasambit sa pagdinig dahil inaakala nitong naresolbahan na ang sigalot ng Korte Suprema.

“Ako po ay humihingi ng paumanhin sa atin pong minority leader…Pasensya na po kasi ang alam ko nadesisyunan na ng Supreme Court ang PDP Laban e ano. Pasensya na po kayo, wala po akong intensyon makasagasa o ano. Ako po ay sumusunod lamang. Pasensya na po, minority leader,” giit ni Padilla.

Tinanggap ni Pimentel ang paghingi ng paumanhi ni Padilla saka nilinaw na hindi pa nakakarating sa Mataas na Korte ang naturang kaso.

“Okay lang po. Kay Senator Padilla, wala naman pong masama doon except that hindi pa po ito umaabot sa Supreme Court kaya posibleng umabot po itong ating issue sa Supreme Court,” aniya.

Kamakailan, naitalaga si Padilla bilang vice president of a PDP-Laban faction sa pangunguna na dating Energy Secretary Alfonso Cusi, na umuupong president ng partido. Ernie Reyes