Padilla sa BFAR: Mas maraming mangingisdang Pinoy hikayatin sa WPS

Padilla sa BFAR: Mas maraming mangingisdang Pinoy hikayatin sa WPS

October 20, 2022 @ 8:29 AM 1 month ago


MANILA, Philippiens – Magpadala at manghikayat ng mas maraming Filipinong mangingisda sa West Philippine Sea.

Ito ang muling inihirit ni Senador Robinhood Padilla sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa isinagawang budget presentation ng Department of Agriculture (DA), sa hangaring igiit ang pag-angkin ng Pilipinas sa pinagtatalunang katubigan.

“Kasi nung nandon ako, nakita natin ‘yung pangangailangan talaga doon ng mga Pilipinong mangingisda para mapatunayan po natin sa ating kapitbahay na Tsino na atin ‘yun,” ani Padilla.

Ayon kay BFAR assistant director Samuel Malvas, may patuloy na programa ang ahensya na nagpapakalat ng mga mangingisda sa mga isla sa West Philippine Sea.

Dagdag pa niya, naka-deploy ang monitoring, control, and surveillance (MCS) vessels para tulungan ang mga mangingisda.

Namahagi na rin ang BFAR ng malalaking bangkang pangisda sa mga mangingisda, dagdag niya.

Hiniling ni Padilla sa BFAR ang mas komprehensibong ulat sa nasabing programa.

Ang West Philippine Sea ay nakapagpo-produce ng 324,000 metrikong tonelada ng isda para sa bansa taun-taon at bumubuo ng humigit-kumulang 7 porsiyento ng output ng pangisdaan ng bansa, kung saan ang malaking bahagi ay ipinapadala sa Metro Manila.

Ang bansa ay may halos 300,000 mangingisda at higit sa 100 commercial fishing boats na regular na bumibiyahe sa West Philippine Sea, sinabi ng BFAR noong nakaraang taon. RNT