Padilla sa K-drama craze: Mas pogi naman kami

Padilla sa K-drama craze: Mas pogi naman kami

October 21, 2022 @ 4:02 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inamin ni Senador Robinhood Padilla na hanggang ngayon ay nagtataka siya sa popularidad sa mga Filipino ng Korean-made shows partikular na ang Korean drama.

Ayon kay Padilla, hindi maitatangging mas pogi naman ang mga Pinoy kaysa sa mga artista ng Korea.

“Kami po ay naguguluhan dahil kapag tumitingin naman kami sa salamin… mas pogi naman kami sa mga taga-South Korea. Wala naman inayos sa amin, kasi itong ilong ko kahit suntukin nang ilang beses, walang inayos dito,” pagtataka ni Padilla.

“Bakit po mas gustong panoorin ng ating mga kababayan ang gawa ng mga Koreano kaysa sa gawa natin?” tanong ng Senador kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair Tirso Cruz III sa pagdinig ng Senado kaugnay ng proposed 2023 budget ng ahensya.

Naniniwala naman si Cruz na ang kasikatan ng industriya ng Korean entertainment ay dahil sa taong inilagak ng mga ito upang mapaganda ang kanilang gawa.

“…[Nakikita] po nila kasi ay bunga ng maraming taon na pinaghandaan ng Korea ‘yung kinakalagyan nila ngayon. Maraming disiplina, maraming tulong na umabot sa kanila. Right now, sila ‘yung forefront sa Southeast Asia,” sagot ni Cruz.

“Naniniwala ako na, hindi naman po sa pagmamayabang, mas magaling po tayo pagdating sa larangan ng pelikula, sa pag-arte. Mas marami po tayong artistang magaling. Siguro napagiwanan lang tayo nang konti sa teknolohiya at sa preparasyon upang pumantay sa kanila,” dagdag niya.

Matatandaan na nitong Martes, Oktubre 18 ay naging matunog sa social media ang naging pahayag ni Senador Jinggoy Estrada na minsan ay naiisip niyang ipanukalang ipagbawal na ang pagpapalabas ng K-drama at iba pang pelikulang dayuhan sa bansa.

Kalaunan ay agad niya naman itong binawi at sinabing nadala lamang siya ng kanyang pagkadismaya sa suportang natatanggap sa lokal na industriya. RNT/JGC