Padilla suportado si Bato sa NTF-ELCAC programs

Padilla suportado si Bato sa NTF-ELCAC programs

July 19, 2022 @ 1:42 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakahanda si Senador Robin Padilla na makipagtambalan kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagsuporta sa lahat ng programa at adhikain ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay Padilla, maganda ang mga programa ng NTF-ELCAC para sa pagtugon sa mga rebeldeng komunista sa pamamagitan ng mga development programs lalo na sa mga malalayong lugar.

“Ang magiging panukala ni Sen Bato diyan, palagay ko po kami ni Sen. Bato palagay ko kami ang Batman and Robin diyan,” ani Padilla sa panayam sa SMNI.

“Nakita natin na may magandang epekto ang proyekto ng NTF-ELCAC sa malalayong barangay na hindi naaabot ng gobyerno. Ang katotohanan, ang NTF-ELCAC yan ang nagpapalapit ng gobyerno sa tao,” dagdag niya.

Nitong Lunes, sinabi ni Padilla na pabor siya sa pag-institutionalize ng NTF-ELCAC dahil maganda ang programa nito sa paghatid ng development project sa mga lugar kung saan nawala na ang impluwensya ng New People’s Army (NPA).

Iginiit din ng mambabatas na ang localized peace talks ay “napatunayan na effective” dahil “witness ako dyan.”

“Ang NTF-ELCAC naging mukha tayo niyan noong tayo nasa Philippine Army. Naging mukha tayo niyan nang tayo pumupunta sa malalayong lugar, nakikipagusap tayo ay nag-welcome sa mga nag-surrender. Ito pabor ako rito. Isa ito sa mga programa ng gobyerno na napakaganda,” aniya. Ernie Reyes