‘Paeng’ pinakamalala mula bagyong Ondoy – alkalde

‘Paeng’ pinakamalala mula bagyong Ondoy – alkalde

October 31, 2022 @ 2:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Itinuturing na pinakamalala ang pagbaha sa Noveleta, Cavite nitong Sabado mula nang manalasa ang Typhoon Ondoy noong 2009, ayon sa alkalde nitong Lunes.

“In the span of 10 years ito po ang pinaka-worst na nangyari, sa loob ng 10 taon hindi kami nakaranas ng ganitong klaseng pagbaha, huli po nung Ondoy,” pahayag ni Noveleta Mayor Dino Reyes Chua nitong Lunes.

Nakaalerto ang lokal na pamahalaan sa pananasala ni Paeng nitong weekend sualit tumutok sa paglilikas sa mga residente ng coastal barangays batay mula sa impormasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Inihayag ng alkalde na naging catch basin ang Noveleta para sa mga bumigay na river walls at malakas na ulan sa upland areas ng Cavite gaya ng Tagaytay, Magallanes, at Silang.

“Kasama ang troso, mga naputol na puno, basura galing upland, yun ang tumama sa mga kabahayan kaya nasira ang mag pader, gate. Maraming natamaang mga sasakyan at tinangay na sasakyan, pati tulay nasira,” paglalahad ni Chua. 

“Kami po ay medyo nahihirapan kasi hindi pa bumabalik- ang karamihan po sa mga barangay sa amin wala pang kuryente at tubig, at down ang internet,” dagdag niya.

“Ang proposal po namin sa DPWH at sa national government ay ayusin na rin [ang river wall]. Kasi ‘yung bago na ginagawa ngayon na mga river wall, sheet pile na po, bakal na po ang kinakabit. Dati po kasi semento lang kaya madaling magiba,” aniya pa.

Iginiit din ng alkalde na hindi sapat ang budget ng lokal na pamahalaan para sa mas matibay na kalidad ng river walls.

Tatlo ang naitalang nasawi sa Noveleta: isa mula sa heart attack sa pagtaas ng baha.

Inaasahang magtutungo si Pangulong Ferdinad “Bongbong” Marcos Jr. sa Noveleta ngayong Lunes upang mamahagi ng relief goods at suriin ang pinsala sa lugar. RNT/SA