PAFMIL: Taas-presyo sa harina asahan

PAFMIL: Taas-presyo sa harina asahan

July 9, 2022 @ 2:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inaasahang tataas ang presyo ng lokal na harina dahil sa mas mataas na global wheat prices, ayon sa Philippine Association of Flour Millers Inc. (PAFMIL) nitong Sabado.

Sinabi ni Ric Pinca, executive director ng PAFMIL, na tumaas ang presyo ng wheat mula $300 kada metric ton (MT) noong nakaraang taon sa $500MT hanggang halos $600MT.

Dahil dito, sinabi ni Pinca, “Talagang tataas ng harina dahil patuloy na tumataas ang presyo ng trigo, ng wheat, na ginagamit sa paggawa ng flour sa world market.”

Apektado rin ang presyo ng wheat ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia, export ban ng India upang protektahan ang local supply ng wheat, at tagtuyot sa wheat-producing areas sa Estados Unidos, base kay Pinca.

Gayundin, maaaring maimpluwensyahan ito ng paghina ng piso laban kumpara sa US dollar, na pumalo na sa $56:$1 level.

Umaasa naman si Pinca na ikokonsidera ng pamahalaan ang pagbawas sa tariff para sa raw materials sa paggawa ng tinapay kagaya ng harina at asukal, maging pagbaba sa value added tax (VAT) para sa liquefied petroleum gas (LPG) upang matugunan ang sitwasyon. RNT/SA