Pag-aalis sa CDE requirement ng LTO, ‘di suportado ng DOJ

Pag-aalis sa CDE requirement ng LTO, ‘di suportado ng DOJ

February 17, 2022 @ 9:17 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi nito sinusuportahan ang pag-aalis sa Comprehensive Drivers’ Education (CDE) bilang requirement sa pagre-renew ng drivers’ license na may 10-year validity.

Sa isang mensahe, sinabi ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na hindi tama ang mga ulat na umano’y suportado ng departamento ang panawagan ng mga mambabatas na tanggalin ang CDE.

Katunayan, sa komentong isinumite ng DOJ sa Kongreso, nakasaad na sakop ng kapangyarihan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapataw ng restriksyon sa renewal ng driver’s licenses na may 10-year validity kung saan kabilang sa requirement ang CDE.

Gayunman, ayon kay Villar, nakasaad sa batas na ang naturang tungkulin ay nakaukol lamang sa mismong LTO at hindi binanggit na maaari itong gawin ng mga LTO-accredited driving school.

“It is not contemplated by EO (Executive Order) No. 1101, s. 1985, that the said function be performed by an LTO-accredited driving school or institution,” Vilar said.

Oktubre noong nakaraang taon nang simulan ng LTO ang pagpapatupad ng CDE, alinsunod sa Republic Act 10930 na nag-aamyenda sa Land Transportation and Traffic Code.

Layon ng batas na magtatag ng sistema na magpapadali sa access sa government services at mga episyenteng transportation regulation na pabor sa mga tao.

Pinaoalawig din ng RA 10930 ang validity period ng mga lisensya mula lima hanggang 10 taon mula sa dating tatlong taon para sa mga driver na walang naitalang paglabag.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, makakadagdag lamang ang CDE sa bureaucratic red tape at sa gastos ng mga driver kaya dapat itong ipatigil agad.

“The LTO added another requirement for a mandatory completion of a comprehensive driver’s education, generally through private driving schools, before one can renew his driver’s license,” giit ni Zarate.

Dagdag niya, hindi bininigyan ng kapangyarihan ng batas ang LTO at Department of Transportation (DOTr) na magtalaga ng sertipikasyon sa mga private entities.

Para naman kay Deputy Speaker Rufus Rodriguez, hindi kailangan at walang legal basis ang nasabing requirement.

“The Supreme Court has repeatedly ruled that the spring cannot rise higher than its source and implementing rules must conform to the language of the law,”saad ni Rodriguez sa paghahain ng House Resolution 2425.

Inihain din ni Rodriguez ang House Bill 10431 na naglalayong ipawalang-bisa ang ilang bahagi section sa RA 10930 na ginagamit ng LTO bilang legal na batayan para sa pagre-require ng CDE.

Aniya, libre ang CDE kung gagawin ito sa pamamagitan ng website ng LTO, pero maaari ring makuha sa mga LTO-accredited driving school sa halagang P1,000 hanggang P3,000.

Giit pa ng mambabatas, ang mga requirement ng LTO tulad ng vehicle emission testing ay naging source na ng korapsyon at kontribersya lalo na kung kinuha ito sa mga private contractors.

Pinayuhan din ni Rodriguez ang LTO na ipaliwanag nang maayos ang basehan sa pagpapatupad ng requirement at patunayan na nakasunod sila sa tamang legal na mga proseso.