Pag-aangkat bilang solusyon sa mataas na presyo ng sibuyas, target ng DA

Pag-aangkat bilang solusyon sa mataas na presyo ng sibuyas, target ng DA

January 8, 2023 @ 10:50 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado ang pag-angkat ng 22,000 metric tons ng sibuyas para wakasan ang patuloy na pagtaas ng presyo sa mga pampublikong pamilihan.

“Tutuldukan na natin ito through importation… Hindi man magandang pakinggan, pero kailangan natin,” ani DA deputy spokesperson Rex Estoperez.

Dagdag pa ni Estoperez, dapat dumating ang 22,000 metric tons bago ang peak harvest na magsisimula sa Marso.

“Dapat dumating ang mga aangkating sibuyas sa unang linggo ng Pebrero o huling linggo ng Enero para mapababa ang presyo ng sibuyas,” giit niya.

Sinabi ni Estoperez na sinusubukan ng DA na balansehin ang demand ng consumer sa kapakanan ng mga producer.

“Sa Nueva Ecija may puti at pulang sibuyas na nasa 200 pesos per kilo pero mga reject o maliliit. Hindi talaga bumababa ang presyo sa farm gate price,” paliwanag niya.

“Batay sa sitwasyon sa Nueva Ecija at Tarlac, may mga standing crops pa sila na magpi-peak ng February at March. Ang pangangailangan muna natin for the month, ang estimate namin ay mga 22,000 metric tons.”

Batay sa rekomendasyon ng DA, 25% ng mga inangkat na sibuyas ay dadalhin sa Mindanao, 25% sa Visayas, at 50% sa Luzon. Sa 50% na iyon, 10% ay magiging puting sibuyas.

“Nung ginagawang P250 ang SRP ng pulang sibuyas, hindi pa rin bumababa ang presyo. Kahit nag-harvest doon, may highest bidder ‘yung mga trader doon. Kapag P350 o P420 ang farm gate price ng sibuyas, mataas na talaga pagdating sa pamilihan,” paglalahad niya.

“Nagbigay tayo ng hanggang January 07, 2022 para sa P250 na SRP ng sibuyas… Kung hindi man, we have to recommend na mag-import tayo,” patuloy ng opisyal.

Inamin din ni Estoperez na bumagsak ang DA sa supply chain ng sibuyas sa bansa. Idinagdag niya na dapat na muling suriin ang mga interbensyon upang matiyak ang seguridad sa pagkain. RNT/SA