Pag-aangkat ng 300K MT asukal inihirit ng DA exec

Pag-aangkat ng 300K MT asukal inihirit ng DA exec

August 6, 2022 @ 2:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kinakailangang mag-import ng Pilipinas ng halos 300,000 metric tons ng asukal upang ma-stabilize ang presyo nito sa pamilihan, sa pamamagitan ng pagdaragdag ng suplay, ayon sa top official ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado.

Sinabi ni DA Undersecretary at spokesperson Kristine Evangelista na kulang ang suplay ng asukal kasunod ng paghagupit ng bagyong Odette na naminsala sa bansa noong Disyembre 2021,na nakaapekto sa sugarcane crops.

“Yung crop natin hindi maganda so merong mga nasira. Napakababa po talaga ng supply ng ating asukal kaya apektado ang presyo sa retail market,” pahayag niya.

Sinabi pa ng DA official na halos 300,000 MTng asukal ang kasalukuyang shortage na kinakailangang solusyunan ng importasyon.

“Based sa ating sitwasyon, kailangan munang mag-angkat. This is the immediate solution but of course parallel po ‘yan ‘yung pagpapalakas ng ating production,” sabi ni Evangelista.

Inihayag din niya na titiyakin ng Sugar Regulatory Administration na hindi lalabis ang volume ng aangkating asukal.

“Inaayos ngayon ang timing ng importation… We are looking for September, October, November… dapat ‘yan ‘yung months na mayroon tayong dumating na asukal… Isinasapinal na ang import plan. Malalaman natin by next week,” sabi niya.

Sa planong magpatupad ng suggested retail price (SRP), sinabi ng DA official na kinokonsulta na ng ahensya ang stakeholders.

“Base sa cost structure sa asukal, puwede natin ilagay ang SRP,” ayon kay Evangelista.

Inilahad din niya na ilalabas sa susunod na linggo ang desisyon sa pagpapatupad ng SRP sa asukal. RNT/SA