Pag-aaral sa COVID vax mixing naantala sa isyu sa suplay

Pag-aaral sa COVID vax mixing naantala sa isyu sa suplay

July 11, 2021 @ 11:47 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Dahil sa naantalang suplay ng bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19), naantala rin ang pag-aaral sa paghahalo ng bakuna, ayon sa Vaccine Expert Panel (VEP).

“Wala pa po, hindi pa nag-uumpisa [ang study]. Medyo na-delay kasi kulang ang vaccine supplies. Hindi agad nakarating mga bakuna so siyempre uunahing bakunahan ang mga tao,” sinabi ni Dr. Nina Gloriani, chairperson ng VEP ng Department of Science and Technology.

Balak sanang simula ng DOST ang pag-aaral nitong Hunyo ngunit naantala dahil kailangan pa ng pahintulot ng Food and Drug Administration at ng Philippine Health Research Ethics Board.

Ayon kay Gloriani, mayroon nang resulta ang mga pag-aaral sa ibang bansa sa paghahalo ng AstraZeneca at Pfizer.

Batay sa pag-aaral ng University of Oxford, mas malakas ang immune response laban sa COVID-19 sa pinaghalong AstraZeneca-Pfizer doses.

“Hindi pa namin papayagan ‘yun. Inaaral natin ang resulta sa ibang countries pero gusto natin maintay ang sa atin mismo. Lalabas ‘yan September, October pa e,” punto ng opisyal. RNT/ELM