Pag-aarmas sa pari

Pag-aarmas sa pari

June 26, 2018 @ 4:56 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Mukhang nagpa-panic na ang mga alagad ng Simbahan dahil sa mag­kakasunod na pagpatay sa mga pari nitong mga nakalipas na buwan.

Akalain ninyong walang iba kundi si Philippine National Police Director General Oscar Albayalde ang nagpahayag sa isang pulong balitaan na umabot umano ng 246 ang bilang ng mga pari at ministro na humiling sa PNP na payagan silang magdala ng baril sa labas ng kanilang taha­nan.­

Sa madaling salita ay nagmay-ari na sila ng mga baril dati pa kaya hindi ang lisensya na magkaroon ng armas ang kanilang hini­ling kundi ang pahintulot na makapagdala nito sa labas.

Kung tutuusin ay hindi naman masisisi ang mga pari kung mataranta man sila dahil tatlo sa kanilang mga kabaro ang napaslang sa loob lamang ng pitong buwan sa pangalawang taon ng pamumuno ni President Rodrigo Duterte.

Marami ang nag-aalala sa bilang na ito lalo na kung ikukumpara sa 13 pari na napaslang sa loob ng 44 taon mula martial law noong 1972 sa ilalim ni President Ferdinand Marcos hanggang matapos ang panunungkulan ni dating President Noy­noy Aquino.

Halimbawang puma­yag ang gobyerno, hindi kaya mag-iba ang tingin ng mga mamamayan sa kanilang mga pari kung makikita na may nakasukbit na kalibre 45 sa baywang sa ilalim ng abito nito habang nagsasagawa siya ng misa?

At paano natin aasahan na makasusunod nang husto ang mga pari sa utos ng Panginoon na “Huwag kang papatay” kung sila mismo ay may dalang mga instrumento ng kamatayan na puwedeng makapaslang ng kanilang kapwa?

Mayroon bang katiyakan na kung may mabaril man sila ay mababalda lamang ito at hindi masa­sawi?

Nagdaan ba sila ng mahalagang pagsasanay para matiyak na asintado sila at laging sapul ang kanilang inaasinta?

Kung dumating man ang pagkakataon na ma­kapatay ng tao ang isang alagad ng Panginoon, pa­ano ito tatratuhin, haharapin o bibigyan ng katwiran ng Simbahan nang hindi sumasalungat sa mga sagrado nilang katuruan?

Higit sa lahat, matagal na panahon na rin na may mga pari na nababalita na nagkaroon ng ugnayan o relasyon sa mga babae at lalaki at ang iba sa kanila ay nagkaroon pa raw ng anak.

May pangamba na hindi kaya lalong mapa­dali ang mga pananamantala umanong ito kung may dala silang armas na puwedeng itutok sa kanilang magiging “biktima”?

Kung halimbawang pagbibigyan ang hiling ng mahigit 200 pari at ministro na makapagdala ng baril sa labas ng kanilang tahanan, hindi kaya ninyo gagawing kampon ng kadiliman ang mga alagad ng Simbahan na dapat sanang nagpapatupad at nagtuturo ng mga Salita ng Diyos?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reak­syon, mag-email sa firing­[email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE NI ROQUE