Pag-abot sa normal na water level sa dams, pahirapan – PAGASA

Pag-abot sa normal na water level sa dams, pahirapan – PAGASA

March 14, 2022 @ 7:42 AM 4 months ago


Sinabi ng state weather bureau na pahirapan pa ring maabot ng mga dam sa bansa ang norma na lebel ng tubig dahil sa malimit na pag-ulan habang naaabot na rin ng heat index ang pinakamataas nitong antas ngayong taon.

Sinabi ni PAGASA Weather Specialist Oyie Pagulayan, ang bulto ng supply ng tubig sa mga dam ay nagmumula sa pag-ulan ngunit hindi pa ito sapat nitong mga nakaraang araw para maabot ang itinakdang antas.

“Almost 50% ang dinudulot po ng mga tropical cyclone, so kung wala po tayong bagyo talagang pwedeng magkaroon ng increase pero ‘yung gusto natin, ‘yung talagang significant talaga na pagtaas sa ating mga reservoir ay baka hindi natin ma-attain,” anang ispesyalista.

Lumabas sa datos ng PAGASA ang pagbaba ng lebel ng tubig ng ilang dam sa malapit sa Metro Manila tulad ng Angat Dam na bumaba ang antas ng lebel ng tubig sa 0.14 metro dahilan para maitala ang 194.05 metro.

Sa kabilang banda, bumagsak din ang lebel sa Pantabangan Dam ng 0.33 metro o umabot sa 192 metro, maging ang antas ng tubig sa Magat Dam ay bumaba ng 0.15 metro o umabot na sa 169.08 metro.

Samantala, naitala naman ang kaunting pagtaas ng tubig sa iba pang dam— La Mesa Dam na tumaas ng 0.02 metro o hanggang 78.33 metro, Ipo Dam sa 0.11 metro o hanggang 98.83 metro, ang Ambuklao Dam ay tumaas ng 0.07 metro o hanggang 746.10 metro, habang ang Caliraya dam ay nasa 286.32 metro. RNT