Pag-absent ng police security ni Degamo, tatalupan ng PNP

Pag-absent ng police security ni Degamo, tatalupan ng PNP

March 13, 2023 @ 11:34 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) kung sinadya ng police security detail ni Negros Oriental Governor Roel Degamo na hindi pumasok sa araw na nabaril siya, ayon sa opisyal nitong Lunes.

Ito ay matapos ihirit ni Speaker Martin Romualdez nitong Linggo ang House inquiry sa umano’y pagpalya ng ilang police escorts ni Degamo na pumasok noong March 4, sa araw ng pagpaslang sa kanya.

“Patuloy ‘yung ginagawa nating investigation sa initial information na ating natanggap na apat ‘yung naka-detail kay Governor Degamo na security detail subalit palitan sila, relyebohan,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

“Tinitingnan natin kung talagang totoong may deliberate na umabsent doon sa kanyang security detail at the time of the incident,” dagdag niya.

“Governor Degamo had reported to the police about the threats to his life, so it stands to reason that his security detail should have implemented stricter measures to ensure his safety. That’s why it’s highly suspicious why these police escorts were missing on the day he was killed,” ani Romualdez.

“It appears that the perpetrators were aware of the fact that Governor Degamo has practically no protection so they could easily accomplish their mission to assassinate him,” patuloy niya.

Sinabi ni Fajardo na sa kasalukuyan ay apat na suspek sa pagpatay ang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation.

“‘Yung apat po sa kanila ay nag-execute na po ng extrajudicial confession at nagbigay ng very vital at significant revelation with respect to the identity of the possible alleged mastermind behind this incident,” sabi niya.

“We are still accounting for at least 12 suspects base sa revelations ng mga nahuli pong suspects,” aniya pa.

Sinabi ni Police Regional Office 7 spokesperson Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare nitong Sabado na apat hanggang lima pang suspek na ang tinutugis, habang naniniwala naman ang mga awtoridad na nasa Negros Oriental pa rin ang mga ito.

Nakikipag-usap si Degamo sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) program sa Pamplona, Negros Oriental noong Lunes ng March 4, nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan.

Patay ang gobernador at lima pang kasama, habang umabot na sa siyam ang bilang ng mga nasawi. Sugatan naman ang 13 indibidwal habang apat ang ginagamot bilang outpatients. 

Matatandaang pinangalanan ng dalawang suspek sa pagpatay kay Degamo ang isang “Cong Teves” bilang utak ng pag-atake sa opisyal.

Subalit, itinanggi ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na sangkot siya at kanyang kapatid na si Henry sa pagkitil kay Degamo sa gitna ng mga alegasyon na politically motivated ang insidente.

“Kagaya ng sinabi ng ating SILG [Secretary of the Interior and Local Government] at pati na rin ng Chief PNP, open po tayo sa kung anong gusto ipahayag ni Congressman Teves,” sabi ni Fajardo.

“PNP is more than willing to provide him security kung kinakailangan po. At pagdating niya ay handa ang PNP na bigyan siya ng seguridad,” dagdag niya.

Kasalukuyang may personal trip si Teves sa Europe at Asia, batay sa travel authority. Hiniling niya ang travel authority, na natapos noong March 9, na ma-extend hanggang April 9.

Nilinaw ni Fajardo na dahil walang warrant of arrest laban kay Teves, walang basehan ang PNP upang arestuhin siya.

“For now po ang instruction we will be providing the necessary security once he arrives dito sa ating bansa,” sabi niya.

“Very vital po yung mga inihayag na mga kaalaman ng mga suspek na nasa kustodiya dahil ito ay maaari itong makapagturo sa possible mastermind sa kasong ito. But I want to reiterate also na hindi lang po tayo nagbabase sa testimonial revelation nitong mga suspek dahil even ‘yung mga forensic evidence will lead us, particularly doon sa isang nakuha na assault rifle noong March 5 ay nagtugma sa baril na pinanggamit sa pagpatay kay Governor Degamo,” aniya pa.

Narekober naman ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang assault rifle na ginamit sa pagpatay kay Degamo, anang PNP nitong Sabado.

Sinalakay ng mga pulis nitong Biyernes ang mga pagmamay-aring bahay ni Teves sa Negros Oriental para maghanap ng loose firearms. RNT/SA