Pag-absent ni Teves tinalakay sa executive session ng House ethics panel

Pag-absent ni Teves tinalakay sa executive session ng House ethics panel

March 15, 2023 @ 1:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsagawa ng executive session ang House Committee on Ethics and Privileges nitong Miyerkules, Marso 15 kaugnay ng motu proprio investigation nito sa absence without official leave ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr.

Ani Committee Chair Felimon Espares, sa panayam sa media, sinabi nito na aalamin nila kung may nilabag ba si Teves sa mga kautusan sa House of Representatives.

“This is with regards to the leave of absence na hindi na na-approve. So the House needs to determine whether or not may violations ba. And of course, to protect the image of the House,” paliwanag ni Espares.

Matatandaan na napaso na noong Marso 9 ang travel authority ni Teves para sa personal trip nito patungong Estados Unidos.

Sinabi naman ni House Secretary General Reginald Velasco na humiling ng extension ang mambabatas para sa kanyang travel authority.

Nauna nang nanawagan si Speaker Martin Romualdez kay Teves na bumalik na sa bansa.

Sinabi naman na ang dahilan kaya hindi makauwi si Teves ay dahil sa pangamba nito sa seguridad hindi lamang sa kanyang sarili kundi maging sa kanyang pamilya.

Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

“Pinapauwi. So kung wala talagang dahilan na bakit hindi siya makauwi, bakit hanggang ngayon, wala pa?” tanong ni Espares.

Nang tanungin naman kung ano ang aksyon na gagawin ng komite laban kay Teves kung mapapatunayan na mayroon siyang nilabag sa kautusan ng Kamara, sagot ni Espares:

“Depends on the members… Of course, we are on the administrative aspect to really recommend whatever disciplinary actions… Usually ganoon naman, suspension. Pero kung come to worse, the House, according to our rule naman, may expulsion at saka dropping from the rolls.”

Sa kabila nito, siniguro ni Espares na mabibigyan ng due process si Teves.

Sinabi rin niya na sarado sa publiko ang pagdinig na isinasagawa ng ethics committee ayon na rin sa kautusan ng House of Representatives.

“This is confidential meeting because we are tackling the House members which we need to protect and that’s part of our House rules,” aniya. RNT/JGC