Pag-agapay sa agri workers, tiniyak ng Simbahan

Pag-agapay sa agri workers, tiniyak ng Simbahan

July 13, 2022 @ 12:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang pagpapalawig ng mga hakbang ng Simbahang Katolika upang tugunan ang mga suliraning kinakaharap ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.

Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa pagtalakay ng mga suliranin ng mga magsasaka at mangingisda sa ginanap na National Synodal Consultation sa Carmelite Missionaries Center for Spirituality na dinaluhan ng kalipunan ng mga obispo.

Sa nasabing pagtitipon, nagkaroon ng pagkakataon ang mga manggagawa na ipahayag sa mga obispo ng Pilipinas ang mga suliraning kinakaharap ng sektor ng agrikultura.

Isa na rito ang mababang bilihan ng palay na umaabot lamang sa P14-P20 habang labis naman ang pagtaas ng presyo ng abono na nagkakahalaga ng P800-P2,000 bawat sako.

Ang magsasaka ay apektado at nalulugi dahil sa talamak na agricultural smuggling na umaabot sa P2M kada araw at ang pinsala ng Avian Influenza sa mga alagang hayop.

Una ng nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan tuon ang pangangailangan ng mga mangingisda at magsasaka ng Pilipinas upang matiyak na may pagkaing mapagkukunan ang mga Filipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden