Pag-alis ng Chinese ship sa WPS unahin bago pakikipag-usap sa China-solon

Pag-alis ng Chinese ship sa WPS unahin bago pakikipag-usap sa China-solon

January 10, 2023 @ 9:04 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Dapat unahin muna ng China na tanggalin ang kanilang mga barko sa West Philippine Sea (WPS) bilang pagpapakita ng “good faith” kasunod ng naging pahayag na nais nitong resolbahin ang territorial disputes sa pagitan ng Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Cagayan de Oro City Rep, Rufus Rodriguez kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa naging pagbisita nito sa Beijing na handa si China President Xi Jinping na buksan muli ang peace talks sa pagitan ng Pilipinas at talakayin muli ang usapin sa oil at gas exploration gayundin ang hangarin na resolbahin ang maritime issues sa maayos na pamamaraan.

“President Xi Jinping should recall all those ships, whether military, Coast Guard, militia, or civilian so our Navy, Air Force and Coast Guard can freely conduct patrols and our fisherfolk can do fishing activities without fear of harassment,” paliwanag ni Rodriguez.

Si Rodriguez ay isa sa mga bumabatikos sa Chinese activities sa West Philippine Sea gayundin ay kinokondina nito ang hindi pagkilala ng Beijing sa 2016 ruling ng international arbitral tribunal na kinikilala ang Pilipinas bilang syang may karapatan sa ilang teritoryo sa WPS.

Tinuring ni Rodriguez na “a good starting point for talks” ang naging pahayag ni President Jinping gayunpaman dapat ay kaakibat nito ay ang pagpayag din ng China sa mga Pinoy na mangingisda na pumasok sa Scarborough o Panatag Shoal na dati na nilang fishing ground.

“The Chinese Coast Guard should remove its presence there and should not chase away our countrymen. That area is part of our 200-mile exclusive economic zone (EEZ),” paliwanag ni Rodriguez.

Sa isyu ng oil at gas exploration, sinabi ni Rodriguez na dapat simulan na ito sa Palawan gayunpaman dapat maging malinaw na rerespetuhin ng China ang territorial rights ng bansa.

Matatandaan na bago bumaba sa pwesto noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay itinigil nya ang pakikipag-usap sa Beijing dahil sa mga hindi nareresolba na sovereignty at territorial issues kaya naman umaasa ang Marcos administration na magkakaroon muli ng magandang pag-uusap sa pagitan ng dalawang bansa. Gail Mendoza