Pag-amyenda sa Magna Carta para sa health workers itinutulak ng DOH

Pag-amyenda sa Magna Carta para sa health workers itinutulak ng DOH

September 17, 2022 @ 12:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Tinukoy ni Health OIC Maria Rosario Vergeire ang pag-amyenda sa Magna Carta for Public Health Workers, para maisama na rin ang mga health care worker sa mga pribadong ospital.

Kaugnay nito, umaapela ang Department of Health o DOH ng suporta ng Kongreso upang maisabatas ang ilang mahahalagang panukala na isinusulong mismo ng kagawaran para sa health care workers sa ating bansa.

Sinabi ni Vergeire na ang importanteng hangarin ng Magna Carta ay maisaka ang hazard pay para sa lahat ng health care workers, gayundin ang educational assistance, at mga dagdag-kompensasyon.

Sa kasalukuyang batas kasi aniya ay nasasakop lamang ang public health care workers, kaya napapanahon nang maisama na rin ang mga private health care workers.

Binanggit din ni Vergeire ang isa pang panukala para sa pampubliko at pribadong sektor at ito ay ang Salary Standardization for Human Resources for Health.

Nakita kasi aniya sa COVID-19 pandemic ang “migration” ng health care workers at may gaps sa pasilidad.

Ayon kay Vergeire, kapag naipasa ang Salary Standardization, magiging patas o pantay na ang sweldo ng mga private at public health care workers.

Ang pahayag ng DOH ay kasunod na rin ng sinabi ng Private Hospital Association of the Philippines na mayroong kakulangan ng health care workers sa mga pribadong pagamutan, dahil ang iba ay nag-abroad o kaya’y lumipat sa DOH hospitals dahil mas mataas ang sahod.

Binanggit din ng mga pribadong ospital na hindi kayang magtaas na sweldo maliban kung matataas na hospital fees. Jocelyn Tabangcura-Domenden