Pag-aprub ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa 30 local hospital measures, ikinagalak ni Sen. Go

Pag-aprub ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa 30 local hospital measures, ikinagalak ni Sen. Go

June 1, 2022 @ 3:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 30 panukalang batas na naglalayong mapabuti, bumuo, at magtatag ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Tagapangulo ng Senate committee on health at nag-sponsor ng mga panukalang batas, nagpasalamat si Senator Christopher “Bong” Go, sa mga kapwa mambabatas sa pag-apruba sa mga nasabing hakbang.

Binibigyang-diin nito ang pangangailangang ipagpatuloy ang pagbuo sa pag-unlad na ginawa ng bansa upang mapabuti ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa harap ng pandemya.

“Sa pandemyang ito, nakita natin kung gaano kahalaga ang investment sa ating healthcare system.  Kaya naman ipinapasa ang mga batas na ito upang masiguro ang tuluy-tuloy na pagpapaganda ng ating mga ospital at iba pang health facilities sa bansa,” ayon kay Go.

Kasama sa mga panukalang lokal na ospital na inaprubahan ng Senado ang mga panukalang batas na nagdaragdag sa kapasidad ng kama ng Baguio General Hospital at Medical Center sa Baguio City;  Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City, Palawan;  Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte;  Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital sa Ilagan City, Isabela;  Concepcion District Hospital sa Concepcion, Tarlac;  Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital sa Silay City, Negros Occidental;  Unayan Municipal Hospital sa Binidayan, Lanao del Sur;  Balindong District Hospital sa Wato-Balindong, Lanao del Sur;  Eastern Pangasinan District Hospital sa Tayug, Pangasinan;  Laurel Memorial District Hospital sa Tanauan City, Batangas;  Ilocos Sur District Hospital sa Magsingal, Ilocos Sur;  Mangatarem District Hospital sa Mangatarem, Pangasinan;  Congressman Natalio O. Castillo, Sr. Memorial Hospital sa Loon, Bohol;  Roxas District Hospital sa Roxas, Oriental Mindoro;  Dr. Serapio B. Montaner, Jr. Memorial Hospital sa Malabang, Lanao del Sur;  Martin Marasigan Memorial Hospital sa Cuenca, Batangas;  at Lingayen District Hospital sa Lingayen, Pangasinan.

Mga panukalang batas na nagpapalit ng Governor Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran City, Bohol sa Governor Celestino Gallares Multi-Specialty Medical Complex;  at ang Oriental Mindoro Central District Hospital sa Pinamalayan, Oriental Mindoro na naging provincial hospital ay pumasa rin sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado.

Gayundin, inaprubahan ng Senado ang mga panukalang batas na nag-a-upgrade sa Lipa City District Hospital sa Lipa City, Batangas tungo sa Level II Hospital;  Orani District Hospital sa Orani, Bataan sa Level II General Hospital na kilala bilang Antonino “Tony” P. Roman Memorial Hospital;  at ang Novaliches District Hospital sa Quezon City ay naging Level II Hospital.

Sa ngayon ay nag-sponsor si Go ng 39 batas na naglalayong i-upgrade ang mga kasalukuyang ospital ng gobyerno, bukod sa pagtatatag ng mga bago.

“Ang pagpapabuti ng kapasidad sa kalusugan at pag-upgrade ng kakayahan ng mga ospital sa mga probinsya ay makatutulong sa pagpapahusay ng kalusugan at pangkalahatang kagalingan para sa buong populasyon ng Pilipinas,” idiniin ng senador. RNT