Pag-apruba ng Senado sa benepisyo ng HCWs ikinatuwa ni Bong Go

Pag-apruba ng Senado sa benepisyo ng HCWs ikinatuwa ni Bong Go

February 2, 2022 @ 2:57 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Ikinatuwa ni Senator at Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go ang pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ng panukalang batas na nagbibigay ng karagdagang benepisyo at allowance sa sa mga pampubliko at pribadong health worker noong Lunes, Enero 31.

Inakda at co-sponsored ni Go, ang Senate Bill No. 2421 o ang iminungkahing COVID-19 Benefits and Allowances for Health Workers Act of 2022 ay naglalayong bigyan ang mga medical frontliners ng patuloy na suportang pinansyal bilang pagkilala sa kanilang mga pambihirang kontribusyon at sakripisyo sa panahon ng pandemya.

“Sabi ko nga, hindi mababayaran ng kahit anumang halaga ang buhay at serbisyo ng ating mga health worker.  Ngunit habang ipinagpapatuloy nila ang kanilang gawaing nagliligtas-buhay, tungkulin ng gobyerno na ipakita sa kanila ang ating pasasalamat sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga allowance at benepisyo,” sabi ng mambabatas.

 “Almost two years na silang nakikipaglaban sa pandemyang ito.  Alam kong pagod na pagod at hirap na hirap na sila kaya hindi tayo dapat magkulang sa suporta.  Ang ating mga manggagawang pangkalusugan ang pinakamahalagang aspeto ng ating pagtugon sa pandemya at ang ating bansa ay walang hanggang utang na loob sa kanilang dedikasyon at pangako,” patuloy niya.

Hinimok ni Go ang Executive Department na patuloy na magtulungan, lalo na ang mga opisyal ng kalusugan at mga tagapamahala ng pananalapi ng gobyerno, upang tiyaking magagamit ang mga mapagkukunan ng pondo para sa wastong pagpapatupad nito kung maisasabatas ang batas.

“Hangga’t kaya ng gobyerno, ibigay ang mga kinakailangang nararapat para sa ating mga HCWs. Kaya mahalaga mapaghandaan at mapag-aralan ito nang mabuti upang maipatupad ang maayos,” ani Go.

Kung maisasabatas, ang SBN 2421 ay magbibigay sa lahat ng pribado at pampublikong manggagawa sa kalusugan ng buwanang COVID-19 Risk Allowance.  Ang halaga ng allowance ay ang mga sumusunod: P3,000 para sa mga health worker na naka-deploy sa mga low risk na lugar;  P6,000 para sa mga nasa medium risk areas;  at P9,000 para sa mga nasa high risk areas.

Nakasaad din sa panukalang batas ang pagbibigay ng karagdagang kompensasyon para sa mga health worker, non-medical worker at outsourced personnel na nakatalaga sa mga health facility na may COVID-19 habang nasa linya ng tungkulin.

Iniuutos pa nito sa Philippine Health Insurance Corporation na sagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng isang health worker na naospital dahil sa virus.  Upang makatulong na matiyak ang kanilang kalusugan at kaligtasan, ang mga mandatoryong pagsusuri sa COVID-19 ay regular ding isasagawa sa mga manggagawang pangkalusugan na tutukuyin ng Kagawaran ng Kalusugan.

 Ang lahat ng mga benepisyong ibinigay sa ilalim ng panukalang batas ay magkakaroon ng retroactive na aplikasyon mula Hulyo 1, 2021 at mananatiling may bisa sa tagal ng idineklarang State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19. ####