Pag-apruba sa divorce bill kinondena ng CBCP

Pag-apruba sa divorce bill kinondena ng CBCP

August 23, 2021 @ 5:36 PM 10 months ago


MANILA, Philippines – Kinondena ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pag-apruba ng House committee sa divorce bill nitong nakaraang linggo.

Sa pag-apruba ng komite, iaakyat na ito sa plenaryo ng Kamara.

“Noong nakaraang linggo nabalitaan natin na ang Committee on Population and Family Relations sa Lower House ay umaproba ng Absolute Divorce Bill at ito ay ipapasa na nila sa plenary meeting ng House of Representatives. Ito ay nakababahala kasi sa halip na palakasin ang pamilya ayon sa ating Salingang Batas, ang divorce ay nagpapahina sa pamilya,” ani CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman at Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa isang homiliya.

Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring ipawalang-bisa ang kasal batay sa psychological incapacity nito.

Kasama rin dito ang:

  • separation in fact for at least five years at the time the petition for absolute divorce is filed;

  • when one of the spouses undergoes a gender reassignment surgery or transitions from one sex to another;

  • irreconcilable marital differences as defined in the bill;

  • other forms of domestic or marital abuse which are also defined in the bill;

  • valid foreign divorce secured by either the alien or Filipino spouse; and

  • a marriage nullified by a recognized religious tribunal

Giit ng obispo na ang sakramento ng kasal ay hindi lamang matibay na pagsasama ngunit ito rin ay kaloob ng Diyos.

“Totoong mahirap ang buhay ng mag-asawa. Mahirap magsama hanggang kamatayan. Mahirap, pero hindi imposible, at ito ay napapatunayan ng maraming mga may-asawa,” punto ni Pabillo.

“Ito ay makakayanan kasi may Diyos na nakataya sa kanilang pag-iisang dibdib at tinutulungan sila.”

Dismayado rin ang CBCP-National Appellate Matrimonial Tribunal sa pag-usad ng divorce bill sa Kongreso.

Ilang mambabatas din ang pumalag sa pagkapasa ng nasabing batas sa komite. RNT/ELM