Pag-arangkada ng campaign period, mapayapa – PNP

Pag-arangkada ng campaign period, mapayapa – PNP

February 9, 2022 @ 11:58 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Ideklara ng Philippine National Police, Miyerkules, na ‘generally peaceful’ ang pag-arangkada ng unang araw ng Halalan 2022 kung saan kaliwa’t kanang proclamation rally ang isinagawa ng mga national candidates.

Sa kabila nito, ipinunto naman ng PNP na nalabag ang social distancing na health protocol sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mayroong tatlong naiulat na insidente ng karahasan sa Mindanao ngunit binanggit na ang mga ito ay walang kaugnayan sa halalan.

“So far, base po sa mga na-receive nating report, ay overall peaceful naman po ‘yung first day po ng campaign period ng ating mga national candidate,” ani Fajardo.

Gayunpaman, sinabi ni Fajardo na kanilang naobserbahan na ang social distancing protocol sa  ay nalabag sa ilang campaign rally.

Inamin niya na ang pagpapatupad ng minimum public health standard sa mga campaign rally ay isang hamon para sa pulisya.

Nauna nang sinabi ni Fajardo na ang PNP ay magsasagawa ng maximum tolerance sa pagpapatupad ng election guidelines at COVID-19 health standards sa mga campaign rally upang maiwasan ang tensyon sa mga naturang aktibidad.

Idinagdag niya na tututukan ng PNP ang pagpapatupad ng mga alituntunin sa halalan ng Commission on Elections, habang ang mga opisyal ng barangay ay tututuon sa pagtiyak sa pagsunod sa pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko.

Ang 90-araw na opisyal na panahon ng kampanya para sa mga kandidatong tumatakbo para sa mga pambansang posisyon ay opisyal na nagsimula noong Martes. RNT