Pag-aresto sa ‘Tinang 92’ lehitimo – PNP

Pag-aresto sa ‘Tinang 92’ lehitimo – PNP

June 12, 2022 @ 11:40 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng hepe ng Concepcion Municipal Police Station sa Tarlac na legal at hindi naabuso ang mga inarestong magsasaka at land reform advocates na tinaguriang ‘Tinang 92’ na hinuli sa isang bukid sa Barangay Tinang nitong Huwebes.

“Wala pong human rights abuse doon, actually kinausap natin sila ng matiwasay ng mahusay eh, ilang negotiations pa po yung ginawa natin, na kung maaari ipatigil nila yung ginagawa nilang paninira sa tubuhan. Ilang beses po yun na sinubukan namin i-negotiate namin siguro dalawa hanggang tatlong beses,” ani Concepcion Police chief Lt. Col. Reynold Macabitas.

“Pero despite of that ayaw nilang itigil, bagkos sumisigaw pa sila, yung mga leaders at estudyante, anong gagawin anong gagawin natin siyempre may sinisirang property may complainant tayo,” dagdag pa ng hepe.

Sa kabilang banda, iba naman ang sinasabi ng abugado ng mga naaresto.

“Itong mga pulis na ito ang daming mga ginawang pambubugbog nawalan ng iba ng mga gamit, yung journalist na hinablot ng cellphone hindi na niya nakuha, tapos yung mga journalist na dapat hindi naman kasama sa kaso, kasama silang kinasuhan 3 ngayon, 13 sila na nagco-cover lang,” anang legal counsel na si Atty. Jobert Pahilga.

Samantala, sinabi naman ng Concepcion MPS, walo sa 91 ang napalaya na para sa karagdagang imbestigasyon samantalang ang natitirang 83 ay mananatili sa kustodiya ng PNP habang sila ay hindi pa nakakapagpiyansa.

Dagdag pa ng PNP, 12 lang sa 83 na nasampahan ng kaso ang mga lehitimong magsasaka at karamihan sa mga nahuli ay galing sa ibang lugar, partikular na sa Metro Manila.

“Naprofile na namin yan, 12, so the rest hindi na tiga-Tinang, the rest yung hindi taga-Tinang kasama na yun ng mga grupo ng mga estudyante kuno, mga researchers na galing sa iba’t-ibang lugar,” ani Macabitas.

“‘Yun nga po ang nakapagtataka diyan hindi naman sila kasama doon sa beneficiaries na dapat na nagpoprotesta nagtataka kami bakit nandodoon sila yung presensya nila ang nakapagtataka,” dagdag niya.

Inamin naman ng kabilang grupo na 12-13 lang ang mga magsasaka sa mga nadakip pero student journalist at artists na nagsasagawa ng research at nag-iinterview ng magsasaka doon ukol sa land dispute. RNT