Pag-atake ni Drilon kay Acosta pinalagan ng solon

Pag-atake ni Drilon kay Acosta pinalagan ng solon

January 22, 2022 @ 3:47 PM 4 months ago


Manila, Philippines – Dinepensahan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang pag-atake ng isang senador sa hindi pagpapabakuna ni Public Attorney’s Office Chief Persida V. Rueda Acosta.

Tahasang sinabi ng kongresista na ang pag-atake ni Senador Franklin Drilon  sa hindi pagpapabakuna ni Acosta na walang basehan at ang panawagan nito sa Malakanyang na huwag papasukin sa tanggapan ang abogado dahil hindi ito bakunado ay nagmamaliit umano sa tiwala at responsibilidad ng isang naglilingkod sa bayan.

Iginiit ni Marcoleta na ang tunay na motibo ni Drilon ay upang libakin ang vaccination efforts ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-punterya kay Acosta.

“Kung ang layunin ni Drilon ay palakasin ang programa ng gobyerno sa pagbabakuna, siya mismo ang maghimok sa mga tao na magpabakuna at hindi bumaling sa mga walang basehan na akusasyon. Ito ay maaaring magbunga sa taumbayan ng maling akala at pag-aalinlangan. Malay natin, ang isang senator ay mas maging epektibong poster boy para sa pagpapabakuna kumpara sa isang nag-aalangan at mababang taumbayan,” ani Marcoleta.

Malaking ispekulasyon ayon sa mambabatas na sabihing  ipinapahamak ni Acosta ang  kalusugan at kaligtasan ng kaniyang mga katrabaho ay isa lamang espekulasyon kung kaya wala aniyang sapat na kakayahan si Drilon upang magbigay ng medical judgment.

Nauna rito ay inamin ni Acosta na hindi siya bakunado laban sa COVID-19 dahil sa kaniyang edad at kalagayan ng kalusugan subalit nilinaw nito na tutol siya sa bakuna sa pagsasabing “ako talaga may second thoughts ako. I am waiting for a protein-based COVID vaccine.”

Tinukoy din ni Marcoleta ang ginawang paglilinaw ng Malacañang na ang ‘no vax, stay at home o ang ‘no vax, no ride’ na polisiya ay hindi aplikable sa mga may mahahalagang gampanin—tulad ng mga manggagawa at empleyado—partikular na ang mga kailangang mapanatili ang galaw ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.

Aniya, ang PAO ay nagbibigay ng serbisyong legal ay isang mahalagang serbisyo kahit sa panahon ng national health emergency

Paliwanag pa ni Marcoleta na ang pagpigil sa galaw ng tao ay isang wastong paggamit ng police power para isulong ang kalusugan, kaligtasan, at ang kabuuang kapakanan ng bansa, ngunit ang panghihimasok ng gobyerno, na siyang sinabi mismo ni Drilon, ay kinakailangang maging makatwiran at hindi nagkataon lamang.

“Nangangahulugan din ito na ang paghihigpit na ito ay hindi dapat magtangi sa mga hindi nabakunahan. Paano ngayon dedesisyunan ni Drilon ang galaw ng mga malulusog at negative pero hindi bakunado laban sa mga nabakunahan pero positive?”

Ikinatuwiran pa ni Marcoleta na ang pagtanggi na mabakunahan na may wastong batayan ay isang protektadong karapatan.

“Maaring ipagpalagay na ang PAO Chief na si Acosta ay palaging sinusubaybayan ang kaniyang kalusugan upang hindi makompromiso ang kalusagan ng kaniyang mga kasama sa opisina, kasama na ang kaniyang pamilya.” (Meliza Maluntag)