Pag-atake sa mga gov’t officials ‘isolated’ case – Azurin

Pag-atake sa mga gov’t officials ‘isolated’ case – Azurin

February 27, 2023 @ 4:15 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinawi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nitong Lunes, Pebrero 27 ang pangamba ng publiko kaugnay sa sunod-sunod na pag-atake sa mga opisyal ng pamahalaan.

Aniya, ang mga ito ay isolated incidents lamang.

Sa kabila nito, iginiit ni Azurin na tututukan pa rin ng pulisya ang mga kaso at matukoy ang motibo ng mga suspek sa pananambang sa ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.

“Personally, I would say na these are isolated cases but still these are killings that are needing to be solved and to be pursued by our law enforcement agencies in investigating ano ba ‘yung mga motibo sa pagpatay sa kanila,” pagbabahagi niya sa isang ambush interview.

Sinabi rin niya na hindi nakaka-alarma ang mga insidenteng ito ngunit tinitingnan na ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa mga pag-atake.

“I would say na hindi pa alarming kasi nga dini-determine pa natin e dahil iba-iba ‘yung situation bakit pinatay ‘tong mga to. It’s either political, personal, business rivalry, or other reasons,” aniya.

Matatandaan na kabilang sa mga nabiktima ng pananambang ay sina
Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. sa Bukidnon, Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda sa Nueva Vizcaya at Datu Montawal, Maguindanao del Sur Mayor Ohto Caumbo Montawal sa Pasay City.

Mayroon nang persons of interest sa mga tinukoy na kaso.

Hinikayat naman ni Azurin ang iba pang lokal na opisyal na makipag-ugnayan sa PNP kung sa palagay nila ay kailangan nila ng dagdag na security details kung bibiyahe sa labas ng kanilang area of jurisdiction. RNT/JGC