Pag-atras ni Digong nirerespeto ni Isko; Suporta sa Pangulo tuloy-tuloy

Pag-atras ni Digong nirerespeto ni Isko; Suporta sa Pangulo tuloy-tuloy

December 15, 2021 @ 12:38 PM 10 months ago


La Paz, Iloilo City – Nirerespeto ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa ginawa nitong pag-atras sa kanyang kandidatura sa pagka-Senador sa darating na 2022 national election.

Ito ang sinabi ni Domagoso, na siyang stadard bearer ng Aksyon Demokratiko, sa isang panayam kasabay ng pagbisita nito sa La Paz Market kung saan kumain ito ng almusal sa kilalang kainan na Madge Cafe ngayong umaga kasama ang kanyang runningmate na si Dr. Willie Ong at senatorial candidate na sina Samira Gutoc, Jopet Sison, at Carl Balita.

Ayon kay Domagoso, “choice” umano ni Duterte ang ginawa nitong pag-atras kaya’t nirerespeto niya ito ngunit sa kabila nito ay dapat umusad pa din ang buhay at ipagpatuloy ang inihahatid na serbisyo publiko sa mga Pilipino kung saan tiniyak ni Yorme kaisa ng Pangulo ng bansa ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila.

“I respect the decision of the President, kasi choice naman niya yan, but again life must go on,” ani Domagoso.

“We must continue to work hand in hand. He (Duterte) is still the President until June 30 next year, ” dagdag pa ni Yorme.

Tiniyak din ni Domagoso na tuloy tuloy ang kanilang pagsuporta sa Pangulo lalo na ang kanyang programa na National Vaccination.

Kaugnay nito, umaasa naman si Yorme na maiboto siya ni Duterte bilang Pangulo ng bansa sa darating na eleksyon.

“Sana maiboto niya (Duterte) ako someday, kase he is still a voter. One vote din yun, sana maiboto niya ako pati ang mga kasama kong kandidato, ” ayon pa kay Domagoso.

Samantala, nabanggit din ni Domagoso na sakaling palarin ito na maihalal bilang Pangulo ng bansa, ang kanyang administrasyon ay maglalagay ng higit pang pagpapaunlad ng imprastraktura sa Visayas at Mindanao upang mapabilis ang ekonomiya at makapagdala ng higit na inklusibo at patas na paglago ng ekonomiya dito.

“If elected, may awa ang Diyos, sa tulong ng tao, investments in terms of infusing development, a peso spent in Metro Manila will never give us much economic growth because of the principle of the Law of Diminishing Returns. But the same peso spent in the provinces will give us more upside in terms of return. So, you will see more developments in far-flung areas,” paliwanag ni Domagoso.

“Nakita ko talaga kung bakit nagpunta ang tatay ko sa Maynila. Talaga palang napakahirap ng buhay sa bundok,” dagdag pa ni Yorme. JAY Reyes