Pag-atras ni Sison sa peace talks, oks lang sa Malacañang

Pag-atras ni Sison sa peace talks, oks lang sa Malacañang

June 29, 2018 @ 1:35 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Walang problema kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung umatras at hindi na interesado si Communist Party of the Philippines’ founder Jose Maria Sison na ituloy pa ang usapang pangkapayapaan sa Duterte administration.

Trabahante  lamang aniya siya ng gobyerno at ang kanyang pangunahing gawain ay maghanap ng kapayapaan sa bansa.

“If they are not willing to talk to me, that’s fine. Wala akong problema so we continue with the war. Anyway, we have been there for 50 years. Ano ba naman ang dagdagan natin ng 30 years? So sige. So basta alam ng Pilipino na ganun ang nangyayari,” ani Pangulong Duterte.

Kung magbabago naman ng isip si Sison at nagdesisyon na itong muling isulong ang peace talks ay mangyaring bumalik lamang ito ng PIlipinas para masimulan ang negosasyon.

Sa ulat, nilinaw ni Sison na hindi pa ibinabasura ang usapang pangkapayapaan nito sa gobyerno.

Aniya, tanging ang National Democratic Front of the Philippines lamang ang may maaaring magsuspinde, kansela o magbasura sa usapang pangkapayapaan.

Sinabi ni Sison na hindi pa ito ibinabasura ng komunistang grupo.

Sa kabilang dako, naniniwala rin si Sison na walang interes si Pangulong Duterte na makipag-ayos sa komunistang grupo dahil nais lamang umano nito na gamitin ang pagpapabagsak sa CPP-New People’s Army para maging diktador.

Ipinahayag ni Sison na mas mabuti pang maghanda ang komunistang grupo na pabagsakin si Duterte at maghanda para sa susunod usapang pangkapayapaan sa susunod na administrasyon.

Nakatakda sana ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa June 28 ngunit ipinagpaliban ito dahil ayon sa pangulo, kailangan niya pa ng panahon para sa mas maraming konsultasyon bago ipagpatuloy ito.(Kris Jose)